Patuloy ang Department of Energy (DOE) sa pagsasagawa ng mga pag-aaral upang maparami ang suplay ng kuryente sa bansa at matugunan ang lumalaking pangangailangan ng mga Pilipino.
Sa isang panayam sa programang Balitambayan, ipinaliwanag ni Assistant Secretary Mario Marasigan, CESO III ng DOE, na kasalukuyan nang nagsasagawa ang ahensya ng mga hakbang patungkol sa green energy options upang matiyak ang pagkakaroon ng operational power plants sa buong Pilipinas.
“Ang DOE ay kasalukuyang nagko-conduct ng mga pag-aaral hinggil sa green energy options, tulad ng renewable energy, liquefied natural gas, at pati na rin ang posibilidad ng paggamit ng nuclear technology para sa power generation,” ani Marasigan.
Ayon sa kanya, layunin ng DOE na magkaroon ng mga operational power plants sa mga darating na taon, partikular na sa renewable energy sources, upang mapabuti ang suplay ng kuryente sa bansa. Bukod dito, may mga hakbang ding isinasagawa patungkol sa paggamit ng liquefied natural gas bilang karagdagang source ng enerhiya.
Isa sa mga target ng DOE ay ang pagpapalawak ng paggamit ng nuclear technology sa power generation, na maaaring magsimula sa taong 2032. Ayon kay Marasigan, patuloy ang mga konsultasyon at pagsusuri upang matukoy kung paano ito magiging ligtas at epektibong solusyon sa kasalukuyang pangangailangan ng bansa sa enerhiya.
Ang mga hakbang na ito ay naglalayong matugunan ang tumataas na pangangailangan para sa kuryente habang tinitiyak ang environmental sustainability at pag-iwas sa mga posibleng power shortages sa hinaharap.