Home HOT STORIES OF THE WEEK

HOT STORIES OF THE WEEK

VP SARA

Naniniwala ang House prosecution panel na si Vice President Sara Duterte lamang ang makapagpapaliwanag sa umano’y agwat sa yaman na kaniyang idineklara sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN at sa mga financial records na iniharap sa impeachment court.

Ayon kay House Trial Spokesperson Zia Alonto Adiong, humarap lamang sa impeachment trial si AMLC Executive Director Ronel Buenaventura para tumestigo sa mga record na ipinatawag ng korte at hindi niya kayang ipaliwanag ang pinagmulan at layunin ng lahat ng transaksyong nakatala sa mga rekord ng mag-asawang VP Sara at Atty. Manases Carpio.

Batay sa AMLC records, umabot sa mahigit 4.4 billion pesos ang covered at suspicious transactions na kinasasangkutan ng mag-asawang Duterte-Carpio mula 2007 hanggang 2025.

Kabilang din ang P1.63 billion inflows, P1.31 billion outflows, at P1.46 billion na transaksyon na hindi matukoy ng AMLC kung ito ba ay inflow o outflow.

Iginiit ng prosecution na kung hindi lumitaw sa SALN ang financial activity, dapat itong maipaliwanag ng Bise Presidente pero hindi niya ito nagawa.

Malinaw aniya na nagpapakita ito ng pagtatangkang itago ang mga ari-arian at nagpapatibay sa alegasyon ng unexplained wealth.

Matatandaang sinimulan kahapon ng prosecution ang pagharap sa mga opisyal ng bangko para ikumpara ang bank balances ng mag-asawa sa mga idineklarang ari-arian sa SALN kung saan, tinatayang mahigit 190 million pesos ang pinagsamang year-end balances ng kanilang mga account mula sa tatlumpung active accounts mula 2022 hanggang 2025. | via Geli Mendez/DWIZ Patrol

October 7, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
senate impeachment court

Para kay House Lead Prosecutor Gerville Luistro, hindi na maaaring iapela ang hatol ng Senate Impeachment Court, kung ito man ay conviction o acquittal.

Kasunod ito ng ruling sa voting threshold ng Senate Impeachment Court kung saan, 13 na senator-judge ang pabor, isa ang tumutol, habang anim naman ang hindi nakilahok sa botohan.

Ito’y para malaman ang pinal na desisyon ng korte sa threshold vote o kakailanganing boto para sa conviction ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Luistro, walang remedy for appeal o review sa magiging hatol ng Impeachment Court at kung iaakyat ito sa Korte Suprema, ay limitado lamang ito sa pagtukoy kung nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Senado.

Iginiit ni Luistro, na naging maingat ang Senate Impeachment Court sa pagpapasya sa voting threshold, kabilang ang pag-imbita sa mga amici curiae, oral arguments ng prosecution at defense, at deliberasyon bago ang naging botohan. | mula sa panulat ni Geli Mendez

September 25, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
senate impeachment court

“Hindi po ibinaba ang threshold!”

Ito ang binigyang-diin sa press conference ni House Lead Prosecutor Gerville Luistro, na walang binago sa nakasaad sa Konstitusyon at mananatiling two-thirds ang batayan para sa voting threshold o kakailanganing boto mula sa mga senator-judge para sa conviction.

Ayon kay Luistro, nilinaw na ng Senate Impeachment Court na ang two-thirds of votes ay tumutukoy sa mga senator-judge na dumadalo at kwalipikadong bumoto.

Paliwanag ni Luistro, hindi kasama sa botohan ang mga nakakulong, suspendido, nagtatago at hinahabol ng batas, mga may physical at medical capacities, at maging ang mga hindi na saklaw ng kapangyarihan ng Senado.

Samantala, nilinaw naman ni House Committee on Human Rights Chairman at Manila Rep. Benny Abante, na ang ruling sa voting threshold ay hindi hatol ng mga alegasyon kundi kailangang marinig at timbangin ang buong ebidensya.

Pinasalamatan naman ni Abante ang Senate Impeachment Court dahil napanindigan nila ang kanilang karapatan sa pagdedesisyon sa voting threshold. | mula sa panulat ni Geli Mendez

September 24, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
Senate Impeachment Court

Malinaw na para sa House Prosecution Team ang usapin sa voting threshold o kinakailangang bilang ng boto para sa conviction matapos ang naging ruling ng Senate Impeachment Court sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa press conference, ikinatuwa ni House Lead Prosecutor Gerville Luistro ang naging aksyon ng senator-judges na itakda ang voting threshold batay sa kanilang interpretasyon ng constitutional mandate.

Ayon kay Luistro, may “exclusive power” o kapangyarihan ang Senado na magpasya sa mga usapin kaugnay ng impeachment case, upang mas plantsado ang kinakailangang boto para sa conviction.

Aniya, natapos na ang debate sa tanong kung ilang boto ang kailangan para sa conviction o acquittal.

Iginiit ni Luistro na malinaw ang desisyon ng senator-judges matapos makakuha ng 13 na botong pabor, isa ang kontra, at anim naman ang hindi lumahok sa pagpapatibay ng voting threshold batay sa mga senador na dumadalo sa impeachment trial.

Una nang inimbitahan ng senator-judges ang mga “amici curiae” upang hingan ng legal na pananaw at karanasan kaugnay ng kinakailangang bilang ng boto para sa conviction. | mula sa panulat ni Geli Mendez

September 24, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
PETROLYO FUEL SUBSIDY

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Department of Energy o DOE sa Department of Transportation o DOTr kaugnay ng posibleng dagdag sa kasalukuyang P12 per liter fuel subsidy para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Sa ambush interview kaugnay sa 2027 budget ng DOE sa Kamara, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin, hindi pa niya makumpirma kung itataas o palalawakin ang subsidiya dahil ang DOTr ang namamahala sa transport sector.

Aniya, nagbibigay lamang ang DOE ng payo at regular update sa presyo ng langis maging ang monitoring sa ipinatutupad na presyo sa mga gasolinahan.

Paliwanag ni Garin, kailangang munang matukoy kung ilan ang makikinabang at magkano ang kakailanganing pondo bago pagdesisyunan ang anumang pagbabago.

Samantala, wala pa ring tiyak na projection ang DOE sa posibleng rollback sa susunod na linggo dahil nakabatay ito sa limang araw na galaw ng world oil prices. | mula sa panulat ni Geli Mendez

September 24, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
KAMARA

Tinapos na ng Kamara ang plenary deliberations sa panukalang P10.156-billion 2027 budget ng Office of the President o O.P.

Sa deliberasyon ng pambansang pondo, naging mainit ang talakayan matapos ungkatin ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang mga isyu laban sa Local Government Support Fund o LGSF, Confidential at Intelligence Funds o CIF, at ang flood control scandal.

Kinuwestyon din ni Tinio ang paraan ng paggawad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng LGSF kay Naga City Mayor Leni Robredo at sa iba pang lokal na pamahalaan.

Bilang tugon, sinabi ni House Appropriations Senior Vice Chairman Albert Garcia, na ang LGSF ay ipinatutupad batay sa mga guideline ng General Appropriations Act o GAA at ipinatutupad lamang ng ehekutibo batay sa itinakdang guidelines.

Sinabi rin ni Garcia na ginagamit ang CIF para sa kaligtasan at seguridad, kabilang ang pag-aresto kay Alice Guo at paglansag sa mga illegal POGO at scam.

Humingi naman si Tinio ng kopya ng report at breakdown ng CIF, at iginiit na dapat managot ang mga sangkot sa flood control scandal, kabilang si Pangulong Marcos.

Sinabi ni Garcia, na may nagpapatuloy nang imbestigasyon gaya ng Ombudsman, DOJ, at iba pa kung saan, marami na ring nakakulong kabilang na sina dating House Speaker Martin Romualdez at Sen. Jinggoy Estrada.

Samantala, terminated na rin ang deliberasyon sa budget ng Presidential Communications Office at Presidential Management Staff.  | mula sa panulat ni Geli Mendez

September 24, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
IMPEACHMENT TRIAL VP SARA

Binigyang-diin ni House Trial Spokesperson Renee Co na hindi dapat isama sa voting threshold ang mga senador na hindi nakakadalo o nakikilahok sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Co, hindi makatarungang isama sa bilang ang mga absent na senador at walang ambag sa paglilitis.

Sang-ayon din si Co sa mga ibinahagi ng mga “amici curiae” o friends of the court, partikular sina dating Supreme Court Chief Justices Hilario Davide Jr., Artemio Panganiban, at Reynato Puno, na nagbigay ng malinaw na paliwanag at gabay sa usapin ng two-thirds voting requirements tungo sa maayos na paglutas sa kabuuang bilang ng boto para sa conviction.

Kaugnay nito, nanawagan si Co sa publiko na bantayan ang oral arguments at botohan ng Senate Impeachment Court sa usapin ng voting threshold. | mula sa panulat ni Geli Mendez

September 16, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
TAX

Nagbabala si Bukidnon 3rd District Rep. Audrey Zubiri sa posibleng paglawak ng epekto ng panukalang taasan ang buwis sa asukal at iba pang sweetener.

Ayon kay Zubiri, maaaring maapektuhan hindi lamang ang mga consumer kundi maging ang mga magsasaka ng tubo o sugarcane farmers, sugar millers, producers, manufacturers, at ang mga araw-araw na bumibili at umiinom ng mga produktong may asukal.

Sa joint hearing ng House Committees on Ways and Means at Health, iminungkahi ni Zubiri na masusing pag-aralan ang epekto ng dagdag-buwis sa sugar industry mula sa mga consumer at magsasaka hanggang sa mga manufacturer ng naturang produkto.

Para sa kongresista, dapat balansehin ng Kongreso ang layuning mahikayat ang mga Pilipino na pumili ng mas malusog na pagkain at inumin, habang pinoprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at lokal na industriya ng asukal.

Nababahala si Zubiri na kapag itinaas ang buwis ay lalong mas piliin ng mga manufacturer ang imported artificial sweeteners, na maaaring makaapekto sa lokal na mga magsasaka.

Nabatid na ilang kongresista ang naglalayong itaas mula P6 hanggang P20 kada litro ang buwis sa mga matatamis na inumin, habang P40 naman kada litro sa high-fructose corn syrup.

Binigyang-diin ni Zubiri na suportado niya ang mga hakbang sa mas malusog na pagkain at inumin, pero hindi dapat maisantabi ang kabuhayan ng mga Pilipino. | mula sa panulat ni Geli Mendez

September 15, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
Senate Impeachment Court

Napatunayan sa Day 25 ng impeachment trial ang kulang-kulang na cash declarations ni Vice President Sara Duterte sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN.

Ito’y matapos ibulgar sa presentasyon ni Private Prosecutor Atty. James Bryan Ibrahim Alih ang kakulangan sa mga dokumentong isinumite ng Bise Presidente sa kaniyang SALN.

Ayon sa witness stand na si Ombudsman Records Division Officer-in-Charge Karen Batu, mula nang manungkulan si VP Sara noong 2007, walang isinumiteng cash declaration si VP Sara mula sa taong 2013 hanggang 2015 at taong 2019 hanggang 2025.

Sa press conference, kinuwestiyon ni House Deputy Speaker Paolo Ortega V ang kakulangan sa cash declaration ng Bise Presidente.

Ayon kay Ortega, hindi siya naniniwalang walang cash na hawak si VP Sara, dahil maging ang mga ordinaryong manggagawa ay may barya ang kanilang sariling mga bulsa. | mula sa panulat ni Geli Mendez

September 15, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
VINLUAN IN IMPEACHMENT TRIAL

“Medyo bastos” para kay House Deputy Speaker Janette Garin ang pamamaraan ng cross-examination ng defense lawyer na si Atty. Mark Vinluan kay dating Sandiganbayan Justice Amparo Cabotaje-Tang.

Ayon kay Garin, nagulat siya sa naging paraan ng pagtatanong ni Vinluan, lalo na nang tanungin ang dating mahistrado kung kabilang ito sa “Kakampink” o DDS.

Aniya, hindi angkop ang ganitong mga tanong sa isang impeachment proceeding kung saan, tila pinipilit pang sumagot ang testigo sa mga bagay na dapat ay nakatuon lang sa kaniyang presensya sa impeachment court para magbigay ng interpretasyon sa mga batas batay sa kaniyang karanasan.

Para kay Garin, mas angkop ang mga katanungan ni Vinluan sa isang criminal court kaysa sa impeachment proceedings at malinaw na may layuning ilihis ang atensyon ng publiko.

Binigyang-diin ni Garin na mahaba at malinis ang mga record ni Cabotaje-Tang para magbigay ng ekspertong paliwanag tungkol sa batas, partikular sa unexplained wealth at SALN.

Sinabi rin ni Garin na ipinaliwanag ng dating mahistrado na walang problema kung may pera sa bank account ng isang public official, basta legal ang pinagmulan nito at tugma sa idineklarang kita. | mula sa panulat ni Geli Mendez

September 15, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
Newer Posts