Nakapagpiyansa na at pinagkalooban ng provisional liberty si Peanut Gallery Media Network (PGMN) anchor Camille Jensen “CJ” Hirro matapos maglagak ng P336,000 cash bail kasunod ng paglalabas ng warrant of arrest ng Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) kaugnay ng seven counts ng cyber libel na isinampa laban sa kaniya ni dating Quezon City Representative Marvin Rillo.
Ayon kay Hirro, nag-ugat ang kaso sa kaniyang mga ulat tungkol sa dating mambabatas. Aniya, kinilala bilang fair comment ang kaniyang pag-uulat hinggil sa P71-milyong proyekto ng gymnasium ng Carlos L. Albert High School dahil nakabatay ito sa mga opisyal na dokumento ng pamahalaan.
Sinabi rin niyang ibinasura ang bahagi ng reklamo na may kinalaman sa isang hiwalay na video na nagtatanong kung saan napunta ang pondo ng publiko, dahil ito ay lehitimong tumatalakay sa public interest. Dagdag pa niya, ibinasura rin ang mga reklamo laban sa mga opisyal ng PGMN, kabilang ang president at CEO nitong si Franco Mabanta.
Nakitaan ni Presiding Judge Maria Zoraida Zabat Tuazon ng QC RTC Branch 90 ng probable cause para maglabas ng warrant of arrest matapos suriin ang mga paratang sa mga kalakip na dokumento.
Samantala, nagpahayag si Rillo na handa niyang bawiin ang kaso laban kay Hirro kung hihingi ito ng paumanhin sa mga naging pahayag nito laban sa kaniya. Sinabi rin ng dating kongresista na matagal na niyang pinatawad ang mamamahayag at nagbabala na maaari pa siyang magsampa ng iba pang libel cases kung hindi ito ay magmamatigas.
Nakatakda naman ang kaniyang arraignment sa Nobyembre 13, 2026.

