Suspendido muna ang bentahan ng bigas sa halagang bente pesos kada kilo ngayong araw, Nobyembre 2, bilang paggunita sa All Souls’ Day.
Ayon sa Bureau of Plant Industry, magbabalik ang regular na operasyon sa Miyerkules, Nobyembre 4, kung saan prayoridad ang mga benepisyaryong may nakuhang appointment para sa Nobyembre 3.
Sa ilalim ng programang ‘Benteng Bigas, Meron Na!’, nakakabili ng murang bigas ang mga senior citizen, persons with disabilities, solo parents, minimum wage earners, public transport workers, mahihirap na pamilya, at mga rehistradong magsasaka at mangingisda.
Nagmumula ang bigas sa stocks ng National Food Authority o NFA na direktang binibili mula sa mga lokal na magsasaka, habang sinasagot ng gobyerno ang subsidy sa pamamagitan ng Food Terminal Incorporated.
Ayon sa Department of Agriculture, umabot na sa 961,346 ang mga benepisyaryo nitong Setyembre, ang pinakamataas na bilang sa isang buwan mula nang ilunsad ang nasabing programa. | Sa panulat ni Jordan Gutierrez

