Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi lamang sisibakin sa pwesto, kundi kakasuhan din, ang mga tumulong kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na makalabas ng Pilipinas.
Sa isang panayam, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na malinaw na paglabag sa batas at interes ng sistemang panghukuman ng bansa ang ginawa ng mga tumulong kay Guo o kilala rin bilang Guo Hua Ping.
Aniya, dapat magsilbing babala sa mga nagtatangkang umiwas sa hustisya ang pagkaaresto ni Guo na nadakip sa Jakarta, Indonesia.
Nauna nang inihayag ni Pangulong Marcos na walang puwang sa pamahalaan ang sinumang inuuna ang pansariling interes, sa halip na ang paglilingkod sa publiko nang may dangal, integridad, at katarungan.