Kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hindi na mahagilap ng kanyang opisina ang 13 sa 46 na respondent na dawit sa Pharmally scandal.
Kabilang sa mga sinasabing nagtatago sa batas ang ilang opisyal ng Pharmally tulad nina Huang Tzu Yen, Twinkle Dargani, Mohit Dargani, Linc onn Uy Ong, Krizie Grace Mago, at Lin Wei Xion.
Pinaghahanap din ng Ombudsman si Mervin Ian Tanquintic, isang dating empleyado ng Department of Budget and Management (DBM) na may kinalaman sa kaso.
Ayon sa Tanodbayan, ang pagtatago umano ng mga ito ang dahilan kung bakit bumabagal ang usad ng kaso.
Matatandaang kinasuhan ng plunder ang mga respondent na dawit sa Pharmally scandal, kung saan nakulimbat umano ang halos 11 billion pesos na halaga ng pandemic supplies, tulad ng face mask, personal protective equipment, at testing kits.
Kabilang naman sa mga kinasuhan at hahainan ng reklamo ang financier ng Pharmally na si Michael Yang Hong Ming, na dating economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. | Sa panulat ni Anjo Riñon

