Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na service vehicle ng ahensiya ang red-plated Toyota Innova na nakitang nakaparada sa labas ng men’s club na Pegasus.
Namataan ang sasakyan bandang 10 A.M. noong Oktubre 13, batay sa larawang ibinahagi sa Facebook page na Parkeserye.
Ayon kay Sec. Remulla, ang sasakyan ay pag-aari ng DILG Region 4-B.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng kagawaran kung sino ang nakatalagang gumamit nito at kung sino ang nagmamaneho sa oras na namataan ito sa nasabing lugar.
Ipinaliwanag din ng kalihim na nasa tabi lamang ng Pegasus ang kasalukuyang tanggapan ng DILG Region 4-B at limitado ang parking space sa gusali.
Dahil dito, gusto niyang ilipat ang opisina sa mas angkop na lugar.
Inaasahang maililipat ang tanggapan sa bagong DILG main office sa Abril.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang gumamit ng sasakyan at kung may paglabag sa mga alituntunin sa paggamit ng mga sasakyang pampamahalaan.

