Laman ng social media ngayon partikular ang facebook ang talamak na paggamit ng ilegal na droga ng mga kabataan dito sa Pilipinas.
Ang nakagigigil dito ay makita mo na kabataan ang gumagamit nito at walang kagatol-gatol na inihahanda ang ilegal na droga sa makabagong pamamaraan, at sa puntong ito ay gamit nila ang pinatuyung dahon ng marijuana o ganja.
Mantakin niyo, nasa loob pa sila ng paaralan at naka-todo school uniform pa ang mga batang ito habang inihahanda ang drogang kanilang balaking ihihithit.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na dito sa Pilipinas ay madaling magkaroon ng suplay ng “marijuana” ang sinuman hindi tulad ng mahigpit na pagbabawal sa “shabu”.
Kilala ang marijuana sa bahagi ng Northern Luzon kung saan ilang beses nang nagkaroon ng mga pagsalakay sa mga plantasyon doon.
Ngunit ang masaklap ay bagamat tanim pa lamang ay massasalakay at nabubunot na ng ating otoridad, ay may mangilan-ngilan ang naibebenta sa merkado, kung kaya’t napapasakamay ito sa mga kabataan.
Ang nakababahala rito ay kapag hindi ito agad naagapan, ay tiyak na malululong sa marijuana ang mga kabataang ito.
Hindi biro ang epekto ng marijuana kapag ito ay sobra sa paggamit, nariyan ang hallucination at pwedeng magtulak upang gumawa ng krimen ang isang lulong sa droga.
Noong dati, laganap at walang patid ang isinasagawang “symposium” o yaong pagbibigay ng kaalaman sa mga paaralan, mga subdibisyon at mga komunidad, upang iparating sa lahat ang masamang epekto sa kalusugan ng ilegal na droga.
Masasabi kong epektibo itong hakbang na ito.
Hindi natin masisi ang mga kabataan ngayon, dahil ang mga ganitong gawain ay tiyak na kanilang natutunan sa social media na rin dahil sa free access dulot ng makabagong teknolohiya.
Puwede nating ibunton ang sisi sa mga magulang dahil mistulang napapabayaan na sila.
Dahil ako ay naniniwala na kapag todo ang gabay at pagpapaliwanag ng mga magulang sa anumang negatibong epekto ng ilegal na droga sa kanila ay tiyak na lalayo ito sa anumang bisyo.
Pero kung walang ginawa ang mga magulang at maging ang mga guro sa paaralan, ay siyento porsyento akong walang magiging kinabukasan ang mga batang ito.
Habang maaga pa, tayo ay manawagan at tawagin ang pansin ng Department of Education (DepEd), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at maging ang Dangerous Drugs Board na ibalik ang malawakang anti-illegal drive at educational campaign upang maiwasang dumamii ang mga adik sa Pilipinas.