Home NEWS

NEWS

internet

Sa harap ng mainit na diskusyon ukol sa Konektadong Pinoy (KP) Bill, binatikos ni dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Jeffrey Ian Dy ang posisyon ni Secretary Henry Aguda na sumusuporta sa panukalang batas.

Kahit kinikilala ang mabuting hangarin ng panukala, nagbabala si Dy na ito ay nakabase sa maling pagkaunawa sa supply chain ng telecommunications at maaaring magdulot ng seryosong panganib kapwa sa industriya at pambansang seguridad.

Nabatid na ang KP Bill, na naaprubahan na ng dalawang kapulungan ng Kongreso, ay naglalaman ng isang partkular na probisyon—ang Seksyon 16. Ang seksyong ito ay nag-uutos na ang lahat ng Data Transmission Industry Players (DTIPs), kabilang ang Public Telecommunications Entities (PTEs), ay kailangang i-co-locate at ibahagi ng kanilang infrastructure.

Kasabay nito, binatikos ni Dy, na dating isinulong ang infrastructure sharing upang mapabilis ang operasyon ng industriya at mabawasan ang gastos sa internet, ang probisyon na ito dahil sa pag-oversimplify sa kumplikadong dynamics ng merkado.

Binanggit niya ang ilang kritikal na kahinaan ng panukala:

1. Hindi Sapat na Regulasyon ng Development Projects: Hindi tinutugunan ng KP Bill ang sobra-sobrang sinisingil ng mga malls at real estate developers para sa telecommunications infrastructure. Maaari nitong pigilan ang PTEs sa epektibong paghahatid ng serbisyo sa mas maraming konsumer.

2. Mahinang Enforcement Provisions: Bagama’t ang Seksyon 16(2) ay nag-uutos sa mga ahensiya ng gobyerno na magpatupad ng mga patakaran para sa pagbabahagi ng in-building data infrastructure, ang mga parusa na nakasaad ay pangunahing nakatuon sa DTIPs. Ang kawalan ng accountability sa mga lessors, developers, at landlords ay maaaring magpanatili sa mataas na singil.

3. International Regulatory Challenges: Ipinaalala na 99% ng internet traffic travels sa pamamagitan ng undersea cables ay pinamamahalaan ng international consortiums, kinuwestiyon ng dating undersecretary kung paano makatotohanang ipatutupad ang Section 16 sa konteksto ng global telecommunications regulations.

4. Potential National Security Risks: Sa nakaambang pagbibigay ng isang dayuhang kompanya ng broadband services sa Northern Luzon, nagpahayag siya ng pagkabahala sa mga implikasyon para sa pambansang seguridad sa ilalim ng kasalukuyang framework ng KP Bill. Ang koneksiyon ng Chinese-operated fiber network sa local PTE infrastructures ay maaaring magdulot ng panganib sa sensitibong interes ng bansa.

5. Mga Alalahanin sa Satellite Operations: Ang pagluluwag ng regulatory requirements para sa satellite operators sa ilalim ng bill ay maaari ring maglantad sa Pilipinas sa mas malaking security vulnerabilities, dahil ang mga umiiral na orbital slots sa ibabaw ng bansa ay okupado ng foreign entities, na naglilimita sa kontrol ng bansa sa airspace nito.

Kaya bilang pagtatapos, hinimok ni Dy si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muling pag-aralan ang panukala sa kasalukuyang anyo nito. Ayon sa kanya, bagama’t kapuri-puri ang layunin na gawing mas kompetitibo at abot-kaya ang merkado ng telecommunications, hindi natutugunan ng KP Bill ang masalimuot na isyu at security concerns na nakapaloob dito.

Iginiit pa niya ang pangangailangan para sa mas malalim na pag-aaral bago isapinal ang batas na maaaring magkaroon ng pangmatagalang epekto sa telecommunications industry sa bansa.

August 6, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
PBBM - SIGN LAGDA

Walang tigil ang Office of the Special Assistant to the President (OSAP) sa pagsasagawa ng ‘peace caravan’ project sa Bangsamoro regions kahit naantala ang huling yugto ng decommissioning ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Nabatid na ang naililipat na paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan ay napatunayang napakahalaga sa pagpapanatili ng mga pagsisikap para sa kapayapaan at sa pagkakaloob ng mahahalagang serbisyo sa mga komunidad ng Bangsamoro.

Sinasabing isang inisyatibo ng OSAP sa ilalim ni Special Assistant to the President Antonio Lagdameo Jr. ang ‘peace caravans’ na naglalayong makapaghatid ng mahahalagang serbisyo mula sa national government agencies direkta sa mga miyembro ng MILF, Moro National Liberation Front (MNLF) combatants, at sa kanilang mga komunidad na apektado ng armadong tunggalian.

Dahil parte ng normalization track ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), ang caravans ay naghatid ng social protection services, livelihood support, health care, civil registration, skills training, at educational assistance.

Target nitong suportahan ang proseso ng decommissioning sa pamamagitan ng konkretong suporta sa sosyo-ekonomiya.

Natuklasan na ang isang major stop ay sa Lamitan City, Basilan noong February 25–26, 2025. Dito, ang peace caravan — na pinamahalaan ng OSAP at ng Inter‑Cabinet Cluster Mechanism on Normalization (ICCMN) — ay nakarating sa humigit-kumulang 800 benepisyaryo, kabilang ang mga dating MILF at MNLF combatants at kanilang mga pamilya, gayundin ang mga residente ng mga kalapit na komunidad.

Samantala, ang mga serbisyong ipinagkaloob ay kinabilangan ng agricultural inputs tulad ng seedlings, livestock, at mga bangka; medical care kabilang ang consultations at minor procedures; civil registration assistance; health insurance enrollment; internet access; cooperative registration; education materials; at tulong sa pag-aplay para sa amnestiya.

Kahit naantala ang Phase 4 ng decommissioning process — na sumasaklaw sa tinatayang 14,000 nalalabing combatants at 2,450 armas — malinaw na ipinakikita ng gobyerno na ang normalisasyon ay walang humpay na nagpapatuloy.

Kaya iginiit ng OSAP na ang pagpapaliban sa decommissioning ay hindi patas na makaaapekto sa mga combatant na sabik nang magbagong-buhay at makuha ang mga kaugnay na benepisyo.

“It is unfair and unjust for those who are willing to undergo the decommissioning process, depriving them of their opportunity and right to be transformed into productive, peaceful citizens as envisioned in the CAB,” wika ni SAP Lagdameo.

Naka-angkla sa Mindanao peace agenda ni PBBM, ang ‘peace caravans’ ay nagsisilbing pangunahing bahagi ng isang two‑track strategy sa ilalim ng CAB.

Habang ang political‑legislative track ay nagsulong sa pagtatatag ng BARMM government, ang normalization track — na kinabibilangan ng mga caravan na ito- ay nakatuon sa decommissioning, economic reintegration, transitional justice, at confidence‑building programs .

Nasilip na sa Basilan caravan, ipinarating ng OSAP ang mensahe ni Pangulong Marcos na nagpapatibay sa pangako ng pamahalaan na “walang Pilipino ang maiiwan”, at ang mga serbisyo ng pamahalaan at mga hakbang sa normalisasyon ay nagpapatuloy kahit pansamantalang naantala ang proseso ng decommissioning,

Isiniwalat din ni Lagdameo ang damdaming ito sa pagbibigay-diin na ang normalization process ay nananatiling pangunahing prayoridad. “This caravan is a testament to the government’s commitment to the Normalization Program under the Comprehensive Agreement on the Bangsamoro,” aniya, binibigyang-diin ang mas malawak na layunin na gawing masigla at umuunlad na mga komunidad ang mga kampo ng MILF.

Isinusulong ng ICCMN, binuo ng Executive Order 79 at pinalakas sa ilalim ng EO 6 (2022), ang gov’t holistic approach, nakikipag-ugnayan sa mahigit 30 national agencies at BARMM ministries sa paghahatid ng mga serbisyo sa ilalim ng normalization track.

Dito’y ang mga mahahalagang kontribusyon ay kinabibilangan ng school‑in‑a‑bag ICT kits para sa mga estudyante, cybersecurity at digital literacy training, seedling at livestock distribution, EORE awareness sessions, peace and reconciliation dialogues, birth registration, at health facility upgrades sa mga dating kampo ng MILF tulad ng Camp Bilal, Camp Bushra, at Camp Abubakar.

Sa harap ng pagsusumikap ng gobyerno na idekomisyon ang humigit-kumulang 40,000 combatants bago ang halalan sa BARMM ngayong 2025, patuloy na nangunguna ang OSAP sa pagtitiyak na ang mga programa sa normalization ay naghahatid ng tunay at konkretong mga benepisyo sa mga apektadong komunidad

Sa tulong ng mga inisyatibo tulad ng peace caravans, pinagtitibay ng administrasyong Marcos na habang ang decommissioning ay pansamantalang naantala, ang mas malaking peace building agenda ay nananatiling matatag at operational.

August 4, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
internet_connection

Ibinabala ni Victor Andres “Dindo” Manhit, presidente ng Stratbase Institute, na ang Konektadong Pinoy Bill (KPB) ay maaaring magdulot ng panganib sa seguridad ng bansa kung ito’y maisasabatas sa kasalukuyang anyo.

Ayon kay Manhit, bagama’t layunin ng panukala na palawakin ang internet access sa buong bansa, maaari naman itong gamitin ng mga dayuhang bansa, gaya ng China, para sa paniniktik, manipulasyon, at pagpapakalat ng maling impormasyon kung walang sapat na proteksyon sa data at cybersecurity.

Sa kanyang talumpati sa isang forum ng Armed Forces of the Philippines, sinabi ni Manhit na ang digital technology ay maaaring magdulot ng kapakinabangan pero maaari rin itong gamitin laban sa bansa sa pamamagitan ng mga cyberattack at disinformation.

Binigyang-diin niya na ang cybersecurity ay hindi lamang teknikal na usapin kundi bahagi na ng pambansang seguridad.

Ang maling paggamit ng teknolohiya, aniya, ay maaaring gamitin bilang armas ng mga bansang gustong sirain ang demokrasya.

Binanggit din ni Manhit ang mga ulat tungkol sa mga disinformation campaigns na pinondohan ng ibang bansa, lalo na noong eleksyon, na layong pahinain ang tiwala ng publiko sa gobyerno at sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).

Dahil dito, nanawagan siya sa Kongreso na huwag madaliin ang pagpasa sa KPB.

Giit ni Manhit, kailangan munang lagyan ito ng malinaw na mga alituntunin sa proteksyon ng datos at mga mekanismo para sa pananagutan o accountability.

Iminungkahi rin ni Manhit ang paggamit ng whole-of-society approach sa problema, kabilang na ang mga kampanya laban sa fake news, digital literacy programs, regular na cybersecurity check, at pakikipagtulungan sa mga demokratikong bansa.

July 31, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
DIGITAL BANKING1

Nagpahayag si dating Chief Justice Artemio Panganiban ng pagdududa at pangamba sa legalidad ng Konektadong Pinoy Bill (KPB) na layuning isulong ang digital transformation ng bansa.

Sa kanyang kolum noong Hulyo 21, tinawag ni Panganiban ang Senate Bill No. 2103 na “maganda ang layunin pero salungat sa Konstitusyon.”

Ngunit aniya, maaaring labagin nito ang Section 17, Article XII ng 1987 Constitution, na nagsasabing tanging sa panahon lamang ng national emergency puwedeng kontrolin ng gobyerno ang mga pribadong negosyo gaya ng public utilities.

Babala pa niya, pinapayagan ng KPB ang mga dayuhang kumpanya sa data transmission na mag-operate sa bansa kahit wala silang pisikal na pasilidad dito.

Giit niya, kung wala ang kapangyarihang ito sa oras ng krisis, tila simboliko na lang ang papel ng gobyerno.

Tinukoy din niya ang Section 14 ng panukala, na tila pumapabor sa satellite operators dahil hindi na nila kailangang makipag-partner sa mga lokal na telco para gumamit ng broadband at radio spectrum.

Dagdag pa niya, pareho lang ang tungkulin ng satellite at terrestrial services—ang maghatid ng data sa publiko—kaya dapat pantay din ang regulasyon sa kanila.

Kuwestiyunable rin para kay Panganiban ang Section 19 ng bill na nagpapahayag ng “technological neutrality” pero may probisyong tila pumapabor sa isang teknolohiya, bagay na taliwas sa prinsipyong iyon.

Aminado si Panganiban na mahalaga ang mas mabilis at abot-kayang internet, pero iginiit niyang dapat itong umayon sa Saligang Batas.

Paliwanag niya, hamon sa mga mambabatas ang pagsabay sa teknolohiya nang hindi nilalabag ang mga itinatakdang prinsipyo ng Konstitusyon.

Bukod kay Panganiban, may agam-agam din ang ilang stakeholders sa telecom industry, partikular sa dalawang taong compliance window ng bill, na anila’y kulang para makamit ang mataas na cybersecurity standards.

Sa kabilang banda, iginiit naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang kanilang kumpiyansa na maipapasa ang KPB sa kabila ng mga pag-aalinlangan ukol sa epekto nito sa seguridad at legalidad.

July 30, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
CHILD ABUSE ONLINE

Kasunod ng matinding pagbatikos na kinakaharap ng online gaming industry hinggil sa mga panawagan para sa total ban, ang mga compliant operator ay nakiisa sa pagdepensa sa pagsusulong sa pinakamahigpit na regulasyon.

Kaya ipinagmalaki ng mga industry stakeholder ang papel na ginagampanan ng sektor sa pagtulong sa pondo para sa social programs ng pamahalaan at suporta para sa national sports development, partikular sa pag-iisponsor sa paghahanda ng mga Pinoy athlete sa international competitions.

Iginiit ni Cynthia Carrion, presidente ng Gymnastics Association of the Philippines at manager ni Olympic gold medalist Carlos Yulo, ang kahalagahan ng corporate sponsorships sa pagpapanatili ng mga elite sports program.

Tinukoy niya ang mga compliant companies tulad ng DigiPlus at Interactive Corp. na malaki ang naitulong sa pagsasanay at pag-unlad ng mga atleta, kabilang si Yulo.

“Without sponsors, including those from the online gaming sector, we would not have the necessary resources for training, travel, and competition,” sabi ni Carrion.

“Their support plays a key role in allowing our athletes to represent the country on the world stage,” aniya pa.

Kahit may masusing pagsusuri at mga panawagan mula sa mga mambabatas at iba pang sektor na ipagbawal o paigtingin ang regulasyon, nananatiling matatag ang industriya sa patuloy nitong pagbibigay ng suporta sa iba’t ibang kampanya ng national sports. Ang mga atleta tulad nina Eumir Marcial, Scottie Thompson, at Yulo ay nakatanggap ng suporta na bahagi ay nagmula sa kita mula sa online gaming.

Nabatid na kasama sa mga tulong na ito ay ang gastos para sa coaching, nutrisyon, pagsasanay sa ibang bansa, at mga international competition.

Makaraang manalo sa Olympics noong Agosto 2024, kinilala ni Yulo ang malaking ambag ng private sector partners sa kanyang tagumpay, sa isang press conference.

Ipinunto ni Carrion, na siya ring chair ng Philippine Retirement Authority at may mga posisyon sa international gymnastics organizations, na ang pondo mula sa gaming industry ang pumupunan sa kakulangan sa public sports financing.

“This industry contributes billions through corporate social responsibility programs. A portion of that directly supports sports, where government budgets often fall short,” aniya.

Maliban sa pagsuporta sa elite athletes, ang gaming revenues ay napaulat na sumuporta sa national tournaments, grassroots leagues, at iba pang developmental programs na naglalayong makatuklas at hubugin ang future talent.

Dahil naghahanda ang national team para sa mga darating na international competitions, nanawagan si Carrion at ang iba pang sports officials para sa mas balanseng approach sa mga talakayan sa online gaming regulation.

“Regulations can be improved where necessary, but it is also important to recognize the positive contributions made by legal, compliant operators,” ani Carrion.

July 29, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
GRINGO HONASAN 1

Mahigpit na nagbabala si dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Gregorio “Gringo” Honasan hinggil sa mga posibleng banta sa pambansang seguridad na idudulot ng kasalukuyang bersyon ng Konektadong Pinoy (KP) Bill.

Pahayag ni Honasan, kulang sa mga mekanismong pang-seguridad ang panukala partikular sa pagprotekta sa mga digital infrastructure ng bansa. Aniya, kung walang malinaw na legal na proseso para sa national security vetting ng mga Data Transmission Participants, hindi sapat ang Implementing Rules and Regulations (IRR) upang tiyakin ang seguridad at pananagutan ng mga ito.

“Without a prior legally mandated national security vetting process in allowing Data Transmission Participants, the Implementing Rules and Regulations (IRR) alone cannot provide the necessary level of scrutiny and accountability,” pahayag ni Honasan.

Iginiit ni Honasan na may kakulangan ang panukala sa regulasyong sasaklaw sa mga foreign-controlled firms lalo na sa mga sensitibong operasyon gaya ng cable landing stations at satellite gateways. Aniya, ang kasalukuyang probisyon ay masyadong maluwag at walang sapat na proteksyon para sa mga critical infrastructure.

Sabi ni Honasan, wala ring malinaw at legal na batayan ng parusa para sa mga kompanyang lalabag sa mga alituntunin na maaaring humantong sa seryosong pagkasira ng systems at service disruptions.

Kaugnay nito, sinuportahan ng Philippine Chamber of Telecommunications Operators (PCTO) ang panawagan ni Honasan kasabay ng panawagan nito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-veto ang panukala.

Babala ng grupo, kulang sa regulatory oversight ang KP bill at maaaring makompromiso ang pambansang seguridad.

Nangangamba naman ang ilang telecommunications stakeholders hinggil sa dalawang taong compliance window na itinakda sa panukala na anila ay hindi sapat upang maabot ang kinakailangang cybersecurity standards.

Kahit may mga babala at pagtutol mula sa ilang sektor, nagpahayag naman ang DICT ng kumpiyansa na maisasabatas ang Konektadong Pinoy Bill sa kabila ng mga pangambang inihain ukol sa negatibong epekto nito sa pambansang seguridad.

July 27, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
gambling

Iginiit ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang pangangailangan ng mas mahigpit ngunit makatuwirang regulasyon sa e-gambling sa halip na tuluyang pagbabawal dito.

Ayon kay Atty. Renato ‘Aboy’ Paraiso, Deputy Executive Director ng CICC, ang total ban sa internet gaming ay posibleng magdulot ng mas malaking problema sa halip na solusyon, dahil maaari nitong itulak ang mga lehitimong platform na mag-operate nang patago o underground.

Binigyang-diin ni Paraiso na mahalaga ang papel ng regulated online gambling sa ekonomiya ng bansa, kung saan nakalilikha ito ng bilyong pisong kita at libu-libong trabaho para sa mga Pilipino.

Aniya, hindi dapat kalimutan ang balanse sa pagitan ng proteksyon ng publiko, lalo na ng mga kabataan, at ng pangangalaga sa mga lehitimong industriya.

Kasabay nito, isinapubliko rin ng CICC ang kanilang mga matagumpay na operasyon laban sa mga sindikatong sangkot sa ilegal na online gambling.

Sa isang operasyon sa Makati noong Marso 19, 2025, 131 katao ang naaresto kabilang ang 96 na dayuhan sa isang ilegal na operasyon ng online gaming na pinamamahalaan ng diumano’y software service provider na Flying Future Services Inc.

Noong Pebrero 16, 2025, tatlong Chinese nationals din ang inaresto sa Santa Rosa, Laguna dahil sa koneksyon umano sa isang sindikato ng ilegal na sugal at online prostitution.

Ang mga hakbang na ito ay isinagawa sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya tulad ng CIDG, PAOCC, at Bureau of Immigration.

Ayon sa tala ng CICC, mula Enero hanggang kalagitnaan ng Hunyo 2025, aabot na sa 5,099 na katao ang naaresto dahil sa mga cybercrime operations.

Ang mahigit 600 sa mga ito ay naaresto sa entrapment operations, kung saan 116 ang nahatulan na ng korte. Karamihan sa mga ito ay dating mga empleyado ng mga ilegal na POGO networks.

Dagdag pa ni Paraiso, nagpapatuloy ang CICC sa pagbuwag ng mga imprastrukturang ginagamit sa cybercrime tulad ng SIM card fraud at hindi rehistradong e-wallet services.

Layon nitong wasakin ang buong sistema ng mga sindikato at hindi lamang ang kanilang mga operasyon sa ibabaw.

Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., patuloy ang CICC sa pagiging pangunahing sandigan ng pamahalaan sa laban kontra sa mga ilegal na aktibidad sa internet.

Anila, sa pamamagitan ng mas pinatinding kampanya at pakikipagtulungan sa publiko, matitigil din ang malawakang pag-abuso sa digital space.

July 25, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
online

Hinikayat ng ilang grupo ang pamahalaan na gamitin ang mas matalino at makabagong teknolohiya upang labanan ang illegal online gambling, sa halip na ganap na ipagbawal ang lahat ng anyo ng sugal sa internet sa bansa.

Ang total ban, ayon sa kanila, ay maaaring magtulak sa mga lehitimong online gaming platforms na lumipat sa underground operations na mahirap bantayan at mas mapanganib sa mga mamamayan.

Sa isang statement, iginiit ng mga grupong Bantay Konsyumer, Kalsada, Kuryente (BK3) at Konsyumer at Mamamayan (KM) ang pangangailangan ng mas mahigpit na digital regulation na sinusuportahan ng mga makabago at mas pinahusay na mekanismo ng pamamahala, sa halip na simpleng pagbabawal na posibleng magdulot ng mas malawak na operasyon ng ilegal at hindi matunton na sugalan online.

“Totoo ang pangamba ng publiko ukol sa masasamang dulot ng sugal,” giit ni Atty. Karry Sison, convenor ng BK3.

“Ngunit ang simpleng pagbabawal ng online gambling ay hindi sapat. Maraming mga site ang nakabase sa labas ng bansa at hindi nasasaklaw ng ating mga batas, kaya patuloy nilang naipapakalat ang mapaminsalang software at nananakaw ng datos ng mga gumagamit,” pahayag niya.

Isiniwalat pa ni Sison na kahit pa maraming ilegal na gambling sites ang na-block na ng pamahalaan, patuloy itong muling lumilitaw sa bagong mga web domain at offshore servers.

“Maaaring maipasara ang isang site ngayon, pero may kapalit na bukas. Kailangan natin ng mas matatalinong sistema na maagap na natutukoy at naipapatigil ang mga ito bago pa man makarating sa publiko. Isa itong usapin ng cybersecurity, at nararapat itong tratuhin bilang ganoon,” sabi niya.

Ayon kay Sison, nakababahala rin ang patuloy na pagdami ng unregulated online gambling platforms na umano’y nagiging daan ng pandaraya, pananamantala, at iba pang anyo ng krimen, bunsod ng kawalan ng sapat na regulasyon.

Paliwanag niya, ang pagbabawal sa mga lisensyadong platform ay hindi tuluyang makapipigil sa panganib bagkus ay maaaring magtulak pa sa mga ito na lumipat sa mas lihim at hindi kontroladong espasyo.

Samantala, binigyang-diin ni KM Convenor Danilo Lorenzo “Ren” DeLos Santos ang potensyal ng digital financial tools gaya ng e-wallets sa pagtukoy at pagpigil sa kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa online gambling.

“Ginagamit ng milyun-milyong Pilipino ang e-wallets araw-araw,” diin pa niya. “Sa pamamagitan ng tamang regulasyon, maaaring matukoy ang mga kaduda-dudang pattern gaya ng madalas na pagtaya, paggamit ng mga menor de edad, o mga kahina-hinalang account. Ang teknolohiya ay maaaring maging susi para makakilos agad ang mga regulator.”

Kasabay nito, nanawagan ang mga advocacy groups sa mga mambabatas na muling pag-aralan ang mga panukalang batas na layong ganap na ipagbawal ang online gambling, at sa halip ay ituon ang atensiyon sa paggamit ng high-tech at data-driven na regulasyon upang tugunan ang ugat ng nabanggit na problema.

July 24, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
dpwh logo

LANTARANG kinuwestiyon ng ilang sektor ang naging papel ng matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa umano’y kabiguang makumpuni at mapagpatibay ang Sta. Maria – Cabagan Bridge sa lalawigan ng Isabela sa kabila ng matagal na panahon ng kanilang panunungkulan.

Sinasabing si Usec. Eugenio Pipo, Jr., na nagsilbing Assistant Secretary for Luzon Operations mula 2016 hanggang 2020, ay naitalaga bilang Undersecretary for Regional Operations noong 2022.

Nabatid na saklaw ng kanyang nasasakupan ang Cordillera Administrative Region, Region I, Region II, at ilang bahagi ng Mindanao.

Kaya naman, bilang Usec for Operations, siya ang may direktang pamamahala sa mga proyektong imprastraktura sa naturang mga rehiyon.

Kahanay niya sa pamunuan si Undersecretary Ador Canlas, na nagsilbing kanyang Assistant Secretary mula 2022 hanggang 2023. Kalaunan ay naitalaga rin si Canlas bilang Undersecretary for Technical Services, kung saan siya ang nag-apruba sa Retrofitting Design ng Cabagan Bridge.

Gayunman, sa kabila ng mga taon na panunungkulan umano nina Pipo at Canlas sa Luzon at ng kanilang direktang ugnayan sa proyekto ng tulay, nananatiling hindi maayos at bumagsak pa rin ang tulay, isang pangyayaring naging sanhi ng pangamba sa kaligtasan ng publiko.

Ayon sa mga ulat, nagpadala pa umano ng imbitasyon ang grupo nina Usec. Pipo at Usec. Canlas kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa inagurasyon ng tulay subalit hindi ito nadaluhan ni PBBM.

Sa kabilang banda, sinasabing walang naging malinaw na aksyon o progreso ang naitalang mga hakbangin para sa pagsasaayos ng tulay sa loob ng pitong taong hawak ni Usec. Pipo ang proyekto.

Maging ang disenyo umano para sa retrofitting na aprubado ni Usec. Canlas ay hindi rin naging sapat upang maiwasan ang pagbagsak ng tulay.

Hanggang ngayon, wala umanong opisyal na pahayag mula kina Usec. Pipo at Usec. Canlas ukol sa mga alegasyong ito.

Dahil dito, nananawagan ang publiko para sa masusing imbestigasyon at pananagutan sa mga responsable sa nabanggit na insidente.

July 21, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
ONLINE GAMBLING

SA gitna ng pagtalakay muli ng Kongreso sa epekto ng online gaming sa lipunan at ekonomiya ng bansa, nagbabala si Abra Rep. Joseph “JB” Bernos laban sa posibleng ganap na pagbabawal ng mga online gambling platform.

“Ang total ban sa online gaming ay maaaring ‘di sinasadyang lalong magpapalakas sa pag-usbong ng mga underground at illegal na aktibidad sa pagsusugal sa internet,” giit ng mambabatas mula Abra.

Iginiit ni Bernos, dating naging chair ng House committee on games and amusements at vice chair ng national defense panel noong ika-18 Kongreso, na mas mainam ang regulasyon kaysa sa tuluyang pagbabawal.

“Pinakita na ng kasaysayan na ang pagbabawal sa isang tanyag ngunit kontrobersyal na aktibidad ay hindi nangangahulugang mawawala ito – bagkus ay mapupunta ito sa mga tagong lugar kung saan walang pananagutan, walang regulasyon,
at mas mapanganib para sa ating mamamayan,” dagdag pa niya.

Nilinaw ni Bernos na ang tuluyang pagbabawal sa online gaming, kabilang ang mga lisensyadong e-casinos, e-bingo, at iba pang internet- based wagering platform ay magbubukas ng pinto sa mga hindi lisensyadong operasyon na mas mahirap bantayan at parusahan.

“Dapat lang tayong maging makatotohanan. Ang demand para sa online games of chance ay totoo, lalo na sa mga nakatatanda. Kapag ipinagbawal natin ang mga lehitimong platform, mawawala ang kakayahan ng gobyerno na bantayan at kontrolin ang pagsusugal – kasabay ng pagkawala ng potensyal na kita. Mas malala, bibigyan natin ng puwang ang mga illegal syndicates na hindi naaabot ng ating batas,” diin ni Bernos.

Dahil parte ng kanyang trabaho sa games and amusements panel noon, isinusulong ni Bernos ang mas matibay na regulatory framework na nagtataguyod ng proteksyon sa mga konsyumer habang pinapalago rin ang kita ng estado. Hinikayat din niya ang mga awtoridad at gaming regulators na mag-invest sa cybersecurity at anti-money laundering systems upang maprotektahan ang mga online gaming platform.

“Kung nais nating protektahan ang mga bulnerableng sektor – lalo na ang kabataan at mga low-income earners – mas mainam na higpitan ang regulasyon sa online gaming sa halip na ipagbawal ito ng tuluyan,” aniya.

Kung maaalala, sa mga nakalipas na linggo, ilang mambabatas ang naghain ng panukalang batas na naglalayong higpitan o tuluyang ipagbawal ang online gaming, dahil sa mga isyung panlipunan, kriminalidad, at adiksyon.

Pero para kay Bernos, kinakailangan ng mas masusing pagsusuri at batay sa ebidensya ang dapat maging batayan ng polisiya.

“Huwag nating kalimutan: ang mga platform na ito, kapag maayos na binabantayan, ay lumilikha ng trabaho, sumusuporta sa local tech infrastructure, at nagbibigay ng kita sa gobyerno. Ang problema ay nasa kakulangan sa pagpapatupad at mahinang regulasyon – hindi sa buong industriya,” pagtatapos ni Bernos.

Nabatid na posibleng magkasa ng karagdagang pagdinig ang House of Representatives ukol sa mga polisiya sa online gambling sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa loob ng dalawang linggo.

July 21, 2025 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest