18 pang mga persons deprived of liberty (PDL) at isang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) mula sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong ang nagpositibo rin sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa BuCor, kabilang sila sa 51 katao na binubuo ng 42 preso at 9 na medical personnel na isinailalim sa COVID-19 test.
Ito ay matapos namang matukoy ang mga nabanggit na indibidwal bilang mga close contact ng unang napaulat na COVID-19 infected na PDL noong nakaraang linggo.
Sinabi ng BuCor, pawang mild symptoms at halos asymptomatic anila ang mga nagpositibong preso at opisyal sa Correctional Institution for Women.
Naka-isolate at mahigpit na anilang mino-monitor ang lagay ng mga nagpositibo at nabigyan na rin ng vitamins at food supplements para lumakas ang kanilang immune system.
Dagdag ng BuCor, nagsimula na rin sila sa contact tracing para matukoy ang mga nakasalumuha ng mga nagpositibo mula sa Correctional Institution for Women.