Tinatayang 66 porsyento ng mga Pilipino ang nag-aalala sa kalusugan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa mula December 16 hanggang 19, tatlumpu’t apat (34) porsyento ng respondents ang nagsabing hindi sila worried o nag-aalala sa estado ng kalusugan ng Pangulo.
Nangangahulugan ito nang pag-akyat ng 11 porsyento mula sa 55 porsyento ng mga Pilipinong nagpaabot nang pag-aalala sa kalusugan ng Pangulo sa September 2018 survey.
Sa 66% respondents na nag-aalala sa kalusugan ng Pangulo, 22 porsyento rito ay labis labis ang pag-aalala at 44% ay bahagyang nag-aalala sa kalusugan ng Pangulong Duterte.
Nakasaad din sa December survey result na 49% ang naniniwala at 24% ang hindi kumbinsidong may problema sa kalusugan ang Pangulo.
Ang naturang survey ay isinagawa sa mahigit isanlibong (1,000) respondents, gamit ang face to face interviews.
—-