Hawak na ng pambansang pulisya ang tatlong suspek sa pagpatay kay Fr. Richmond Nilo ng Diocese of Cabanatuan sa Nueva Ecija.
Kinilala ni Chief Superintendent Amador Corpuz, pinuno ng Police Regional Office 3 ang gunman na si Omar Mallari na naaresto sa Arayat, Pampanga noong Hunyo 22 dahil sa kasong pag-iingat ng mga pampasabog.
Tinukoy din ni Corpuz ang iba pang mga suspek na sina Manuel Torres na siyang itinuturong mastermind, Marius Albis at Ronaldo Garcia.
Bagama’t hawak na ng pulisya ang mga suspek, sinabi naman ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na hindi pa rin sarado ang kaso ng pagpatay sa pari.
“It’s now clear, we didn’t stop in the investigation to give justice kung sino talaga ang dapat managot dito, what is good here is that we didn’t stop here nakita natin kung sino talaga ang bumaril, ang self-confessed gunman, so justice is served.” Ani Albayalde
Paghihiganti tinitingnang anggulo
Paghihiganti ang tinitingnang motibo sa pagpatay kay Fr. Richmond Nilo ng Nueva Ecija.
Ayon iyan kay Police Regional Office 3 Director Chief Supt. Amador Corpuz batay sa extrajudicial confessions ng naarestong gunman na si Omar Mallari.
Ayon kay Corpuz, sinabi ni Mallari na binuhay umano ni Fr. Nilo ang kaso ng pang-momolestiya ng semenarista na si Christopher Torres na anak ng mastermind na si Manuel.
Kinuha umano ni Manuel ang serbisyo ni Mallari sa pamamagitan ni Ronaldo Garcia kasama ang iba pang suspek na sina Marius Albis Torres at iba pa na pawang gun for hire group na una nang sumuko sa mga awtoridad.
Nag-ugat ang sinasabing galit ni Manuel Torres sa pari nang akusahan ang anak nito na semenaristang si Christopher noong Marso ng isang taon dahil sa umano’y pang-aabuso sa apat na sakristan ni Fr. Nilo.
PNP dumipensa sa isyu ng ‘mistaken identity’
Samantala, idinepensa ni PNP Chief Oscar Albayalde ang kaniyang mga tauhan na kumilos para sa ikalulutas ng kaso ng pagpatay kay Fr. Richmond Nilo.
Ito’y makaraang umalma ang pamilya ni Adel Milan na una nang inaresto ng mga awtoridad subalit pinalaya rin kalaunan dahil sa umano’y mistaken identity.
Ayon kay Albayalde, maituturing na commendable ang ginawa ng kaniyang mga tauhan dahil sa hindi tumigil ang mga ito na tukuyin ang mga suspek hanggang sa masukol na nila ang mga ito.
Ibinatay lamang nila ang pag-aresto kay Milan sa naging salaysay ng sakristan na sinasabing nakasaksi umano sa mismong pagbaril kay Fr. Nilo.
“Remember nung nag-file ang sakristan siya’y hawak ng pari, hindi siya hawak ng mga pulis, itinuturo siya ng altar boy, so the PNP hindi naman puwedeng i-deny ang statement niya so we filed the case, and it’s up to the appreciation of the prosecutor, ng korte kaya tinanggap ang kaso, wala kaming magagawa doon, what is commendable here is we didn’t stop with our investigation. No, it is not us who gave the mistaken identity, it’s the altar boy, hindi kami ang may kasalanan dito kasi wala kaming control over the altar boy.” Pahayag ni Albayalde
—-