Sinong mag-aakala na nang dahil sa pagiging alerto at malakas na pagtahol ng isang maliit na aso, dalawamput dalawang pamilya ang nakaligtas mula sa malakas na pagguho ng luho na naganap kamakailan sa India?
Ang kwento ng kabayanihan ng tuta, eto.
Pasado alas dose ng madaling araw nang magising ang 6-month-old na tuta na si Rocky mula sa pagkakahimbing niya sa sahig ng kanilang bahay sa Siyathi village na matatagpuan sa Himachal Pradesh, India.
Bigla na lang kasing bumuhos ang napakalakas na ulan sa kanilang lugar kung kaya nabulabog ang pagtulog nito at nagtatahol hanggang sa magising ang kaniyang 35-anyos na amo na si Lalit Kumar.
Pagkagising ay agad na napansin ni Kumar ang malaking bitak sa pader ng kanilang bahay at ang mabilis na pagtaas ng baha sa loob nito.
Nakita ni Kumar kung paanong mabilis na gumuho ang lupa pababa sa kanilang village kung kaya agad niyang binuhat si Rocky at ginising ang kaniyang mga kaanak.
Sa isang pambihirang pagkakataon, ilang sandali lang matapos katukin ni Kumar ang mga kapitbahay para lumikas, tuluyang gumuho ang lupa na siyang sumira at tumabon sa maraming kabahayan.
Dahil sa pagiging alerto ng tuta na si Rocky, ang lahat ng animnaput tatlong residente sa kanilang village ay nakaligtas, bagama’t walang nailigtas na kagamitan ang mga ito.
Samantala, ligtas nang pansamantalang nananatili sa naina devi temple ang mga residenteng iniligtas ni Rocky kung saan nakatanggap ang mga ito ng tulong mula sa gobyerno.
Sa mga fur parents diyan, tinuturuan niyo rin ba ang mga alaga niyo na maging matalino at alerto pagdating sa panganib?