Namemeligrong ipa-blacklist ang mga kumpanya at kontraktor na sangkot sa palpak na flood control projects ng pamahalaan.
Ito ang ibinabala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos niyang punain sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address ang sinasabing pangungurakot ng ilang pulitiko sa pondo na nakalaan para sa flood control projects, dahilan para pumapalpak ang mga ito.
Ayon kay Pangulong Marcos, inaasahan na niya mula sa Department of Public Works and Highways ang listahan ng mga proyektong hindi pa tapos, sa kabila ng mga inilaang pondo para rito.
Kasabay nito, tiniyak ng Pangulo na makakasuhan ang mga kumpanya at opisyal na bigong makapagpaliwanag kung saan napunta ang mga pondong para sa flood control.
Samantala, sang-ayon ang Presidente na dapat dumistansya ang DPWH sa imbestigasyon at sumunod na lamang sa utos na magsumite ng mga listahan ng mga flood control project na kalauna’y isasapubliko ng Malakanyang.