Dapat imbestigahan ang naka-tenggang desisyon sa disqualification case laban kay presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ang panawagan ni vice president Leni Robredo, na isa sa mga karibal ni Marcos sa May 9 presidential elections, matapos ibunyag ni Comelec commissioner Rowena Guanzon na isang senador ang nasa likod ng delay.
Ayon kay Robredo, kung patatagalin ang paglabas ng desisyon ay maka-aapekto ito sa lahat ng Filipinong boboto sa Halalan 2022.
Seryoso anya ang alegasyon ni Guanzon na mayroong senador sa likod ng pagka-antala ng pasya ni commissioner Aimee Ferolino ng first division.
Binigyang-diin ni Robredo na nakasalalay sa poll body ang integridad ng halalan bilang isang institusyon.
Nakatakdang magretiro sa Miyerkules si Guanzon na pumabor sa disqualification kay Marcos sa presidential polls dahil sa conviction nito sa non-filing ng income tax returns.
Binigyan-din ni Guanzon ng hanggang tanghali ngayong araw si Ferolino upang makapagsumite ng resolusyon upang mapagbotohan na nila ito bago mag-Pebrero 2.