Home NEWS

NEWS

Senate Impeachment Court

Napatunayan sa Day 25 ng impeachment trial ang kulang-kulang na cash declarations ni Vice President Sara Duterte sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN.

Ito’y matapos ibulgar sa presentasyon ni Private Prosecutor Atty. James Bryan Ibrahim Alih ang kakulangan sa mga dokumentong isinumite ng Bise Presidente sa kaniyang SALN.

Ayon sa witness stand na si Ombudsman Records Division Officer-in-Charge Karen Batu, mula nang manungkulan si VP Sara noong 2007, walang isinumiteng cash declaration si VP Sara mula sa taong 2013 hanggang 2015 at taong 2019 hanggang 2025.

Sa press conference, kinuwestiyon ni House Deputy Speaker Paolo Ortega V ang kakulangan sa cash declaration ng Bise Presidente.

Ayon kay Ortega, hindi siya naniniwalang walang cash na hawak si VP Sara, dahil maging ang mga ordinaryong manggagawa ay may barya ang kanilang sariling mga bulsa. | mula sa panulat ni Geli Mendez

September 15, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
VP SARA IMPEACHMENT

Iginiit ng House Prosecution Panel na dapat maging pantay ang pamantayan sa pananagutan na ipinapatupad sa lahat ng opisyal at kawani ng gobyerno.

Ayon kay House Prosecutor Terry Ridon, may mga kawani at guro na naparurusahan dahil lamang sa hindi pagdedeklara ng kanilang maliliit na negosyo.

Natalakay kasi kahapon ni Retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang mga patakaran sa SALN, hindi maipaliwanag na yaman, at financial interest sa mga public official.

Naniniwala si Ridon na hindi dapat magkaroon ng ibang pamantayan para sa mga matataas na opisyal ng gobyerno, kabilang ang Pangalawang Pangulo.

Ngayong Day 25 ng impeachment trial, asahan ang pagharap ng dalawa pang testigong haharap sa witness stand, kabilang na sina Ombudsman Records Division Officer-in-Charge Atty. Karen Batu at SEC Company Registration and Monitoring Department Director Atty. Gerardo Del Rosario. | mula sa panulat ni Geli Mendez

September 15, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
VP SARA

Tinawag na “makapal ang mukha” ni House Prosecutor Terry Ridon si Vice President Sara Duterte dahil sa panawagan nitong bumaba sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay Ridon, “self-serving” ang panawagan ng bise presidente dahil siya ang constitutional successor at siya rin ang maaaring makinabang sakaling bumaba sa puwesto ang Pangulo.

Aniya, walang problema kung ang mga tagasuporta ni VP Sara ang manawagan sa Pangulo na magbitiw, pero nakakatawa umano na mismong ang bise presidente ang gumawa nito.

Iginiit ni Ridon na hindi niya matandaang may bise presidente noong kasagsagan ng EDSA Dos na nanawagan sa Pangulo na magbitiw sa puwesto.

Dagdag pa niya, walang ibang dapat sisihin ang bise presidente sa mga kinahaharap nitong problema kundi ang kaniyang sarili, kabilang ang impeachment trial at kasong grave threats sa Quezon City Regional Trial Court. | mula sa panulat ni Geli Mendez/DWIZ Patrol

September 14, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
KAMARA

“Masaya tayo sa progreso, pero hindi dapat makuntento.”

Ito ang binigyang-diin ni House Speaker Faustino Dy III, kaugnay ng pagbuti ng ranking ng Pilipinas sa 2025 Programme for International Student Assessment o PISA.

Ayon kay Speaker Dy, “welcome news” ito at patunay na ang pamumuhunan at reporma sa edukasyon ay nagsisimula nang magdulot ng magandang resulta.

Pinuri rin ni Speaker Dy ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Department of Education o DepEd hanggang sa mga paaralan, sa kabila ng mga hamon sa sektor ng edukasyon sa ating bansa.

Gayunman, sinabi ni Dy na mahalagang maipagpatuloy ang mga naumpisahan, at tiyakin na ang progreso ay makakaabot sa bawat silid-aralan at bawat batang Pilipino.

Batay sa latest na resulta ng PISA… ang Pilipinas ay nasa ika-labing lima pagdating sa Science; ika-labing pito sa Math; at ika-labing siyam pagdating sa Reading.

Tiniyak naman ni Speaker Dy na katuwang ng gobyerno ang Kongreso sa pamamagitan ng pagsuporta sa lahat ng mga reporma, programa at pondo na kailangan ng mga guro at mga mag-aaral, tungo sa de-kalidad na edukasyon. | mula sa panulat ni Geli Mendez

September 11, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
VP SARA DUTERTE

Kasunod ito ng pagbasura ng Quezon City Prosecutor’s Office sa petisyon ni Atty. Manases Carpio na huwag i-disclose ang bank records nila ng Bise Presidente.

Ayon kay House Prosecutor at Manila Rep. Joel Chua, napapanahon ang desisyon ng korte dahil sisimulan na ng prosecution sa susunod na linggo ang presentasyon sa Article 2 o unexplained wealth.

Sinabi ni Chua na inaasahan nilang makikita ng korte ang umano’y intensiyon ng petisyon ni Carpio para i-harass hindi lamang ang prosecution kundi maging ang mga tatayong testigo.

Dagdag pa ni Chua, dahil ibinasura na ang petisyon, wala nang nakikitang balakid ang prosecution sa pagharap ng mga testigo para patunayan ang hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.

Nabatid na kabilang sa nakatakdang tumestigo ang sampu pang witnesses mula sa gobyerno at pribadong sektor, kasama ang 15 kinatawan mula sa banking institutions, na haharap sa impeachment trial tungkol sa SALN at mga business interest ng mag-asawang Duterte-Carpio. | mula sa panulat ni Geli Mendez

September 10, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste

Maaaring umaksyon ang House Committee on Ethics and Privileges kung mabibigong maipaliwanag ni Batangas Rep. Leandro Leviste ang kanyang patuloy na pagliban sa trabaho.

Ito ang sinabi ni House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega the Fifth, nang tanungin kung ano ang maaaring gawin ng Kamara sa patuloy na pag-absent ni Leviste.

Ayon kay Ortega, sa ngayon ay wala pa siyang naririnig kung may hakbang ang Kamara laban o kaugnay ng sitwasyon ni Leviste.

Una nang kinumpirma ni NBI Director Melvin Matibag na lumabas ng bansa si Leviste kasama ang kanyang ina na si Senator Loren Legarda noong Agosto dos.

Kasunod ito ng mga ulat na maaaring kasuhan ng NBI si Leviste at iba pang indibidwal kaugnay ng umano’y “honey trap” plot laban kay Executive Secretary Ralph Recto, bukod sa plunder case na may kaugnayan sa solar energy commitment.  | mula sa panulat ni Geli Mendez

September 10, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
EDWARD FAJARDA

Tatlo pang testigo ang nakatakdang iharap sa impeachment trial na may kaugnayan sa Article 1 o maling paggamit ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.

Kabilang sa i-prisinta ng House Prosecution Panel ang misis ni dating DepEd Special Disbursing Officer Edward Fajarda na si dating DepEd Assistant Secretary Sunshine Fajarda; Police Major Jovelyne Maggay; at COA Assistant Commissioner Bresilio Sabaldan.

Ito’y para patunayan ang misuse of confidential funds ng Bise Presidente na aabot sa P612.5 million, kung saan, ang P500 million ay nagastos sa ilalim ng OVP at ang P112.5 million naman ay nagastos sa ilalim ng DepEd noong si VP Sara pa ang namamahala nito.

Una nang sinabi ni House Lead Prosecutor Gerville Luistro na kanila nang tatapusin ang presentasyon ng testigo at ebidensya sa Article 1 ngayong linggo bago magtungo sa susunod na artikulo.

Matatandaang nilinaw kahapon ni Luistro na kanilang isusunod ang Article 2 na tumutukoy sa unexplained wealth o hindi maipaliwanag na yaman ni VP Sara bago talakayin ang Article 3 o bribery and corruption.

Sinabi ni Luistro na ang pagbabago sa presentasyon ng Articles of Impeachment ay hindi nangangahulugang mahina o ibinasura na ang Article 3, kundi dahil sa availability ng mga testigong haharap sa impeachment trial.

Nilinaw ng Lead Prosecutor na walang ilalaglag na artikulo at mananatili sa kanilang presentasyon ang Article 3. | mula sa panulat ni Geli Mendez

 

September 8, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
BULLY

Patuloy na pinalalakas ng Department of Education o DepEd ang pagpapatupad ng Anti-Bullying Law sa bawat paaralan sa bansa.

Ito ang sinabi ni Education Secretary Sonny Angara, matapos tanungin sa pagdinig ng Appropriations Committee ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña ukol sa mga hakbang ng departamento para tugunan ang pambubully sa mga mag-aaral.

Binigyang-diin ni Cendaña ang nakababahalang ulat ng EDCOM 2, na tinukoy ang Pilipinas bilang “Bullying Capital of the World” na nakakaapekto sa learning competency ng mga mag-aaral.

Isa rin aniya ito sa nakikitang dahilan ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.

Ayon kay Angara, mahigit 36-thousand schools na ang may gumaganang Child Protection Committees na tumutugon sa mga kaso ng bullying at iba pang suliranin ng mga estudyante.

Pinalalakas din ng DepEd ang mental health support sa pamamagitan ng mas mabilis na pagha-hire ng school counselor associates, na maaari nang makumpleto sa loob ng halos 30 araw.

Iniulat din ni Angara na 100 percent na ang designation ng Learning Formation Officers sa lahat ng paaralan. | mula sa panulat ni Geli Mendez

September 8, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
romualdez

Handang harapin ni dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez ang mga alegasyong ibinabato laban sa kaniya sa legal na proseso.

Kasunod ito ng kasong plunder na isinampa ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan laban sa kaniya, kay dating Cong. Zaldy Co, at iba pang sangkot umano sa kickback scheme sa flood control projects.

Ayon kay Atty. Ade Fajardo, ang abogado at tagapagsalita ni Romualdez, iginagalang ng mambabatas ang mga korte at haharapin nito ang mga alegasyon laban sa kaniya alinsunod sa batas.

Ayon kay Fajardo, hindi dapat mapalitan ng public interest o malaking atensyon ng publiko ang judicial process, dahil ang criminal liability ay dapat matukoy batay sa mga ebidensiyang inilalahad sa korte.

Nilinaw din ng abogado na walang hinihiling na espesyal na pagtrato si Romualdez habang hinaharap ang mga paratang laban sa kaniya.

Ang hinihiling lamang umano ng dating Speaker ay ang parehong due process at makatarungang pagdinig na ipinagkakaloob sa bawat Pilipino.

Iginiit ni Fajardo na dapat manaig ang katotohanan, ebidensya, at patas na proseso sa paghatol ng kaso. | mula sa panulat ni Geli Mendez

September 7, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
HOUSE PROSECUTION IMPEACHMENT TRIAL VP SARA DUTERTE

Binago ng House prosecution panel ang pagkakasunod-sunod ng presentasyon ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa pagtatapos ng Day 22 ng impeachment trial, hiniling ni House Lead Prosecutor Gerville Luistro sa Senate Impeachment Court na imbis na Article III na tumutukoy sa bribery at corruption, kanila munang uunahin o isusunod ang Article II na may kaugnayan sa unexplained wealth o hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.

Ayon kay Luistro, ang kanilang mungkahi na i-advance ang presentasyon sa Article II ay dahil sa availability ng mga testigo na haharap sa impeachment trial.

Nilinaw ni Luistro na ang pagbabago sa pagkakasunod-sunod ay hindi nangangahulugang inalis o ibinasura na ng prosecution ang Article III.

Binigyang-diin ng lead prosecutor na mananatili ang lahat ng apat na Articles of Impeachment at walang anumang artikulo ang aalisin sa kanilang presentasyon.

Matatandaang nauna nang inihayag ng prosecution na pinag-aaralan nila kung itutuloy ang presentasyon ng Article III o bribery charge at diretsong magtutungo sa Article II na mas may bigat o matibay.

Kabilang sa tatalakayin na sakop ng unexplained wealth ang mga bank at tax records ni VP Sara at asawang si Atty. Manases Carpio. | mula sa panulat ni Geli Mendez

 

September 7, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest