Nasagip ng Southern Police District (SPD) ang walong buwang gulang na kambal na lalaki sa Candaba, Pampanga noong Oktubre 25, kasunod ng operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong suspek sa Aurora at Pampanga.
Nagsimula ang imbestigasyon matapos magreklamo ang lola ng ina ng kambal hinggil sa umano’y paglilipat sa mga sanggol sa isang babaeng nakilala ng ina ng mga ito sa Facebook.
Batay sa paunang imbestigasyon, kinuha umano ng ina ng kambal ang mga bata mula sa kanilang lola noong Agosto 10, kasunod ng alitan sa pamilya, at ipinasa ang mga ito sa isang babae na kalauna’y natukoy ng mga awtoridad.
Ayon sa pulisya, nakatanggap umano ang ina ng ₱27,000 sa pamamagitan ng online transfer at karagdagang ₱3,000 na cash mula sa naturang babae.
Noong Oktubre 19, sinalakay ng mga tauhan ng Taguig City Police Station Women and Children Protection Desk (WCPD), katuwang ang lokal na pulisya at mga social worker, ang iniulat na tirahan ng babae sa San Luis, Aurora. Hindi nila natagpuan ang kambal, ngunit nasagip ang dalawa pang bata na tinatayang 10 taong gulang at anim na buwang gulang.
Dakong 11:20 P.M. nang arestuhin ang unang suspek sa San Luis Municipal Police Station. Sa sumunod na imbestigasyon, sinabi umano nito na naipasa na ang kambal sa isang mag-partner sa Pampanga.
Matapos ang mga follow-up operation at koordinasyon sa mga awtoridad sa Candaba, Pampanga, natunton ang kambal noong Oktubre 25. Dakong 3:45 P.M. nang arestuhin ang dalawang suspek na kinilalang live-in partners at residente ng nasabing lugar. Narekober din sa kanila ang kambal.
Inilipat sa kustodiya ng mga awtoridad ang dalawang suspek habang inihahanda ang mga kinakailangang proseso para sa kanilang inquest. Ini-refer naman ang kambal sa mga social welfare personnel para sa pagsusuri, proteksiyon at angkop na pag-aalaga.

