Home NATIONAL NEWS Comelec, nagbabala laban sa fake news tungkol sa 2026 BSKE

Dalawang suspek sa pagpatay sa NU-Lipa student, arestado; umano’y manliligaw, itinuturong mastermind

by DWIZ 882 October 26, 2026 0 comment
ARESTADO 4

Dalawang lalaki ang naaresto ng mga awtoridad kaugnay ng pagpatay sa 20-anyos na si Jazmine Iya Martinez, isang third-year Architecture student ng National University-Lipa, na pinaslang habang naglalakad pauwi mula sa paaralan sa Lipa City, Batangas noong Oktubre 14, 2026.

Ayon kay PLTCol. Aleli Buaquen, hepe ng Lipa City Police Station, kabilang sa mga naaresto ang 30-anyos na si alyas Lance, na umano’y sumaksak sa biktima, at ang 30-anyos na si alyas Kevin, na itinuro ni Lance bilang nag-utos umano sa kaniya na gawin ang krimen.

Nakatulong sa pagkakakilanlan kay Lance ang pagsusuri ng mga pulis sa CCTV footage. Sa mga kuha sa Barangay Banay-Banay, namataan ang isang lalaking nakasakay sa motorsiklo na may kaparehong damit at sombrero ng lalaking nakita sa mga CCTV noong gabi ng pagpatay. Nasundan siya ng mga awtoridad hanggang sa isang ginagawang bahay, kung saan siya naaresto.

Nakatulong din ang cellphone video na kinunan ng kaniyang katrabaho ilang oras bago ang insidente. Sa video, suot umano ni Lance ang damit, sombrero at tsinelas na iniugnay sa suspek. Itinuro rin niya sa mga pulis kung saan itinago ang damit, kutsilyo at motorsiklong ginamit umano sa krimen, na pawang narekober ng mga awtoridad.

Sa salaysay ni Lance, si Kevin umano ang nag-utos na patayin si Martinez at nagbigay sa kaniya ng paunang bayad na ₱10,000. Ayon sa pulisya, dalawang taon na umanong hindi sinasagot ng dalaga ang panliligaw ni Kevin.

Sinabi ni Buaquen na planado umano ang pagpatay at ilang araw na minanmanan ang pag-uwi ng biktima. Naaresto si Kevin sa follow-up operation sa Tanauan City, Batangas, ngunit itinanggi niya ang paratang.

Inihahanda na ang kasong murder laban sa dalawang suspek, na kasalukuyang nakakulong sa Lipa City Detention Center.

Comments

comments

You may also like

Leave a Comment