Tiniyak ng PAGASA na mababa ang posibilidad na may bagyong mabuo o pumasok sa Philippine Area of Responsibility sa susunod na mga araw.
Ito ay matapos lumabas sa PAR ang Super Typhoon Rosal, na kilala sa international name na Champi, noong Sabado, October 24.
Ayon sa PAGASA, wala nang binabantayang bagyo ang ahensya sa loob at labas ng PAR dahil humina at nawala na rin anila ang low-pressure area na namataan sa silangan ng Mindanao.
Samantala, inaasahang magdudulot ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan, at pagkidlat-pagkulog ang Intertropical Convergence Zone sa Romblon, Palawan, Bicol Region, Visayas, at Mindanao.
Habang sa Luzon, kabilang ang Metro Manila at mga kalapit na lalawigan, asahan ang mas mainit at maaliwalas na panahon, lalo na sa umaga.
Gayunman, posible pa rin ang biglaang pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa hapon o gabi, kaya payo sa publiko na manatiling tumutok sa mga update ng PAGASA at mag-ingat sa posibleng pagbabago ng panahon. | Sa panulat ni Reabelle Medina

