Home NEWS

NEWS

bong

Tinanggihan ng Sandiganbayan ang kahilingan ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na makalabas ng kulungan, upang dumalo sa burol ng kanyang kapatid na si Jojo Manungas Bautista sa Imus, Cavite.

Ayon sa Korte, maaaring magbigay ito ng impresyon na may espesyal na pribilehiyo ang dating opisyal kumpara sa ibang mga nakapiit.

Giit ng Sandiganbayan, maaaring maapektuhan din nito ang seguridad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kung papayagan ang pansamantalang paglabas ni Revilla.

Sa halip, iminungkahi ng Korte ang virtual na paglahok ng dating mambabatas sa mga seremonya ng burol ng kanyang kapatid. | sa panulat ni Reabelle Medina

July 8, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
INFLATION

Ipinaliwanag ng mga ekonomista na nagpapatuloy pa rin ang problema ng mataas na presyo ng bilihin kahit na bumagal ang inflation rate ng bansa sa dalawang magkasunod na buwan.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bahagyang bumagal ang headline inflation rate sa 6.4% noong Hunyo mula 6.8% noong Mayo.

Gayunman, bumilis pa rin ang core inflation rate ng bansa sa 4.4% noong Hunyo mula 4.1% noong Mayo.

Dahil dito, iginiit ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na patuloy itong nakatutok sa isyu ng inlfation dahil nananatiling mataas ang presyo ng krudo at abono kahit na humupa na ang tensyon sa Strait of Hormuz.

Ayon sa mga ekonomista, mahaba pa ang gugugulin ng bansa upang makontrol nito ang inflation rate, lalo na sa mga non-food at non-energy sectors. | mula sa panulat ni Anjo Riñon

July 8, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
SARA DUTERTE IMPEACHMENT TRIAL

“Goodluck sa kanila.”

Ito ang naging sagot ni House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, nang matanong kaugnay sa petisyong inihain ng grupo ni Atty. Israelito Torreon sa Korte Suprema para ihirit na pansamantalang ipahinto ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito’y dahil sa pagkakahalal kay Sen. Francis Escudero bilang Senate Impeachment Court Presiding Officer.

Ayon kay Ridon, pagsasayang lang ng papel ang ginagawa ng mga petitioner.

Banat pa ni Ridon, hindi pa ba naaawa sa mga puno ang grupo ni Torreon?

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Ridon na walang magiging epekto ang naturang petisyon sa House prosecution team, at inaasahang magpapatuloy ang paglilitis sa bise presidente.

Samantala, para naman kay House Deputy Speaker Paolo Ortega V, hindi na nakakagulat ang hakbang nina Atty. Torreon na mistulang “bread and butter” at “specialty” na ang paghahain ng petisyon.

Nilinaw ng House leader na walang pumipigil kina Torreon na maghain ng petisyon, pero ang isyu ng presiding officer ng impeachment court ay naresolba na sa unang araw pa lang ng paglilitis. | via Geli Mendez/DWIZ Patrol

July 8, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
BAHA SA QC JULY 7

Ilang lugar sa Quezon City ang nalubog sa baha matapos ang malakas na pag-ulan kagabi.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng QC, hanggang baywang ang baha sa ilang lugar sa barangay Quirino 2B at barangay Damayan.

Hanggang tuhod ang baha sa ilang kalsada sa barangay North Fairview, Barangay E. Rodriguez, barangay Katipunan, at barangay Vasra.

Hanggang gutter naman ang bahang naranasan sa ilang lugar sa barangay Holy Spirit, Barangay Loyola Heights, Barangay Claro, at Barangay Kanluran.

May ilan ding lugar sa lungsod Quezon na nakaranas ng baha, ngunit nawala rin kalaunan.

Samantala, may naiulat ding hanggang gutter na baha ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Elliptical Kalayaan sa Quezon City at sa EDSA Ortigas service road sa Mandaluyong City. | mula sa panulat ni Anjo Riñon

July 8, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
WORKERS

Lumabas sa Gallup State of the Global Workplace 2026 report na ang mga manggagawang Pilipino ang may pinakamataas na antas ng stress sa Southeast Asia, kung saan 50% ang nakaranas nito sa nakaraang araw.

Sa kabila nito, sila rin ang may pinakamataas na employee engagement sa rehiyon, na may 39% na nananatiling psychologically connected sa kanilang trabaho.

Ayon sa Gallup, ipinapakita ng resulta na maaaring magsabay ang matinding dedikasyon sa trabaho at mataas na antas ng personal na stress.

July 2, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
VP SARA - THE HAGUE.1

Nanawagan si Reverend Father Joselito Sarabia na igalang at tuparin ang mandato ng impeachment process alinsunod sa itinakda ng Konstitusyon.

Pahayag ito ni Father Sarabia kasunod ng sinabi ni House Prosecutor at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na posibleng taktika lamang umano ni Vice President Sara Duterte ang isinagawang rally ng Iglesia ni Cristo o INC upang ilihis ang atensyon ng publiko sa kinakaharap nitong impeachment case.

Ayon kay Father Sarabia, bukod sa pagpapakita ng suporta ng INC kay Senador Rodante Marcoleta na nahaharap din sa mga kaso, posible ring naging dahilan ng rally ang usapin ng impeachment laban sa Bise Presidente.

Ipinaalala ni Sarabia ang naging karanasan ni De Lima, na halos pitong taong nakulong dahil sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga bago tuluyang napawalang-sala, bilang halimbawa ng kahalagahan ng patas na pagtrato at pagsunod sa due process.

Dagdag pa niya, dapat igalang ang anumang magiging desisyon ng Ombudsman at hayaang umusad ang legal na proseso, kabilang ang inaasahang pagsisimula ng impeachment trial laban kay VP Sara sa Hulyo 6. | via Geli Mendez/DWIZ News

July 2, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
INFLATION

Mananatili sa pagitan ng 6 hanggang 7 porsyento ang inaasahang inflation rate ng bansa para sa buwan ng Hunyo.

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, ito’y kasunod ng pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo, bigas, at karne; kahit na nakaumang ang mataas na presyo ng gulay at singil sa kuryente.

Ito na ang pinakamalawak na month-ahead inflation forecast range ng BSP, kung saan isang percentage point ang palugid.

Matatandaang umabot sa 6.8% ang inflation rate ng bansa noong Mayo.

Gayunman, ilang ekonomista ang nababahala na posible pang bumilis ang inflation rate sa mga susunod na buwan bunsod na rin ng mabagal na epekto ng mga pagbaba sa presyo ng ilang bilihin. | sa panulat ni Anjo Riñon

July 1, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
INC RALLY JUNE 30

Nagpatupad ang Philippine National Police ng nationwide full alert status kaugnay ng emergency rally ng Iglesia Ni Cristo na nagsimula kahapon, June 30.

Layunin ng hakbang na matiyak ang seguridad at kaayusan sa buong bansa habang isinasagawa ang naturang kilos-protesta.

Pinangunahan ni PNP Chief, General Jose Melencio Nartatez Jr., ang situational monitoring mula sa PNP Command Center, upang matutukan ang mga pangunahing lugar, kabilang ang paligid ng people power monument sa EDSA.

Sa ngayon, patuloy na tumatanggap ng real-time updates ang PNP mula sa iba’t ibang field commanders sa buong bansa, upang mapalakas ang pagbabantay sa seguridad ng publiko at maiwasan ang aberya sa daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan.

Tiniyak ng  PNP na mananatili ang ipinatupad na full alert status hanggang sa matapos nang mapayapa at maayos ang naturang pagtitipon.| sa panulat ni Reabelle Medina

July 1, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
INC RALLY SA EDSA WHITE PLAINS

Arestado ang apat na indibidwal matapos ang kilos-protesta sa EDSA White Plains kahapon, June 30.

Ayon kay National Capital Region Police Office spokesperson Major Hazel Asilo, isa sa mga naaresto ang isang lalaking nanuntok ng pulis, isang bus driver, at dalawa pang indibidwal na sangkot sa kaguluhan sa nasabing protesta.

Sasampahan anya ng kasong Resistance and Disobedience ang dalawang indibidwal na nanakit ng mga pulis.

Samantala, iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung anong karagdagang kaso ang maaaring isampa laban sa dalawa pang nasakote.

Sa kasalukuyan, nananatili ang apat na naaresto sa Station 8 ng Quezon City Police District.| sa panulat ni Reabelle Medina

July 1, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest
IMPEACHMENT SARA DUTERTE

Pormal nang ipinakilala ang panibagong batch ng private prosecutors na tutulong sa House Prosecution team sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Kabilang sa pinangalanan ay sina Atty. Theodore Te na interim chairperson ng  free legal assistance group o flag at dating dating Chief Public Information at spokesman ng Korte Suprema.

Ipinakilala rin si Atty. Reynaldo Robles, mula sa The Law Firm of Chan Robles and Associates, isang Civil and Criminal Litigator.

Kabilang din sa ipinakilala sina Atty. Arnold Labay at Atty. Mae Divinagracia.

Ipinakilala rin si dating Surgiao Del Norte Rep. Robert Ace Barbers bilang impeachment adviser at ika-apat na House Trial spokesperson.

Makakasama ni Barbers na magbigay ng mga lehitimong impormasyon sa panig ng prosecution ay sina trial spokesperson Reps. Zia Alonto Adiong at Renee’ Co.

Kinilala ang ambag ni Barbers sa matagumpay na pagdinig ng Quadcomm na naging dahilan din para maisulong ang impeachment complaints laban sa Bise Presidente.

Sa ngayon, nasa 15 private prosecutors na ang kabuuang bilang na tutulong sa 11-man house prosecution team na haharap laban sa impeachment case ni VP sara at posible pa itong madagdagan ayon sa prosecutors. | via Geli Mendez/DWIZ Patrol

June 29, 2026 0 comment
0 Facebook Twitter Google + Pinterest