Sa digital age, konting scroll mo lang, malilibang ka na dahil sa samu’t saring contents na makikita mo. Pero ano nga ba talaga ang definition ng isang magandang content para makahatak ng viewers? Ang isang lalaki kasi sa iloilo, nasobragan sa efforts sa paggawa ng content at nauwi pa sa pagkaka-confine niya sa ospital.
Kung ano ang kinahinatnan ng lalaki, eto.
Sa panahon ngayon, kahit sino ay pwede nang maging content creator, katulad ng dating tricycle driver na si Isagani Canja na pinasok na rin ang mundo ng entertainment.
Nawalan na raw ito ng gana sa pamamasada at content creation naman ang pinagtuonan ng pansin.
Dahil sa goal ni Isagani na magparami ng followers at makakuha ng mas mataas na views, iisipin mo na naghahanap ito ng thrill sa buhay dahil sa naisip niyang content na buwis buhay!
Si Isagani kasi, uminom lang naman ng gasolina! Hindi lang yan, binuhusan niya rin ng gasolina ang kaniyang katawan, at para gawin pa itong mas thrilling, sinilaban niya rin ang kaniyang katawan.
Dahil dito ay nagtamo si Isagani ng 2nd degree burn at kinailangang manatili sa ospital para magpagaling.
Samantala, ayon sa Iloilo Provincial Health Office Head na si Dr. Maria Socorro Quiñon, maaaring mauwi sa pagka-comatose, pagkakaroon ng cancer, o di naman kaya ay pagkamatay ang mahabang exposure sa petroleum gas.
Habang ayon naman sa Sociologist na si Maria Elisa Baliao, ang pagmomonetize ng contents ang maaaring nag-uudyok sa ilan para mag-effort nang sobra para gawing patok sa viewers ang kanilang posts.
Gayunpaman, nagbigay ng paalala si Isagani, lalo na sa mga baguhang content creator, na huwag tutularan ang stunt na ginawa niya dahil sa panganib na dala nito.
Sa mundo ng social media, ano ang kaya mong gawin para sa ngalan ng content creation?