Inatasan na ni Pangulong Bongbong Marcos ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na tutukan ang mga problema ng mga driver at commuter, maging ang mga prosesong nakasasagabal sa LTFRB.
Tiniyak naman ni LTFRB chairperson Cheloy Garafil, sa kanyang opisyal na pag-upo sa ahensya na kanilang ipupursige ang “balance at win-win solutions” upang ayusin ang transport system ng bansa.
Mayroon anyang tatlong direktiba si Pangulong Marcos, una ay padaliin ang proseso sa LTFRB, tiyakin ang maayos na serbisyo sa mga Public Utility Vehicle drivers at panatilihing prayoridad ang kapakanan ng commuters.
Bagaman hindi pa inilalatag ng Marcos Administration ang transport agenda nito, tiniyak ni Garafil na tututukan ng LTFRB ang pagsasaayos sa public transport system.