Handa si Senator Imee Marcos na dumulog sa Korte Suprema para maharang ang posibleng pagtatalaga kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla bilang Ombudsman.
Ayon kay Sen. Marcos, sa ngayon, ang panawagan niya ay mag-inhibit si Acting Ombudsman Dante Vargas at anim na iba pa sa Office of the Ombudsman; mula sa paghawak ng kanyang motion for reconsideration sa ginawang pag-iisyu ng clearance kay Sec. Remulla.
Matatandaang nagsampa ang senadora ng mga reklamong katiwalian, usurpation of authority at arbitrary detention laban kay Remulla at sa pamunuan ng Philippine National Police.
Sa kanyang urgent motion to inhibit, sinabi ni Sen. Marcos na dapat mag-inhibit si Acting Ombudsman Vargas dahil kaklase nito sa U.P. Law School ang asawa ni Sec. Remulla; kung saan hindi ito kusang inamin ni Vargas.
Aminado ang senadora na hinaharang niya na maging Ombudsman si Remulla dahil kapag nagkataon, isasakatuparan ang sinabi niyang ‘Plan C’ na pagsasampa ng kaso laban kay Vice President Sara Duterte para umano makakulong ito sa pagsapit ng 2028 presidential elections.




