Tuloy ang pag-imbita ng Senate Blue Ribbon Committee kina dating Congressman Zaldy Co at dating House Speaker Martin Romualdez sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon kay returning Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo Lacson, kapag hindi sumipot si dating Congressman Co, padadalhan ito ng subpoena at sakaling hindi pa rin sumipot, maaari na itong i-contempt at isyuhan ng arrest order.
Kung nasa bansang Europa si Co na walang extradition treaty, sinabi ni Senador Lacson na maaari pa rin itong mapauwi sa bansa.
Mayroon kasi aniyang kasunduan ang mga bansa sa Europa o ang European Union na maaaring arestuhin ang isang wanted o nagtatagong dayuhan sa isang bansa sa Europa kahit walang extradition treaty, at dadalhin ito sa bansang may extradition treaty para isailalim sa extradition.
Sinasabing nananatili si Co sa Europa. Umalis ito ng bansa matapos pumutok ang isyu ng katiwalian sa flood control projects kung saan itinuturo ang dating kongresista at ang kanyang kumpanya na nakinabang nang malaki sa flood control anomalies.
Samantala, idadaan ang imbitasyon kay Romualdez kay House Speaker Faustino Dy bilang inter-parliamentary courtesy.




