Welcome sa Malacañang ang ginagawang pag-expose ng netizens sa marangyang pamumuhay ng mga kamag-anak ng mga kontratista ng flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Viral ngayon sa social media ang mga post kaugnay sa vlogs ng anak at kamag-anak ng mga contractor, kung saan tampok ang mga mamahaling bag, kaliwa’t kanang biyahe abroad, at magagarang kotse.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Communications Usec. Claire Castro, na dapat lamang maging bahagi ng laban kontra korapsyon ang taumbayan.
Mainam aniya ito, lalo’t ang publiko ang mas nakakaalam ng nangyayari sa kanilang paligid.
Kaugnay nito, muling nanawagan ang opisyal na isumbong o ipagbigay-alam sa Pangulo ang impormasyong hawak laban sa mga maanumayàng proyekto sa kanilang lugar, na ginamitan ng pera ng mga Pilipino.
—Sa panulat ni Jasper Barleta