Mahigpit na tinutulan ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) ang plano ng gobyerno na mag angkat ng galunggong sa China at Vietnam.
Kasunod ito ng pagtataas ng presyo ng galunggong sa merkado na aabot sa hanggang P300 kada kilo.
Ayon sa grupo, hindi pag angkat ang solusyon para mapababa ang presyo ng galunggong at iginiit na wala namang shortage sa nasabing isda.
Anila, hihina ang kabuhayan ng mga lokal na mangingisda at nagbebenta ng galunggong kapag natuloy ang pag aangkat.
Posible rin anilang mayroong kemikal na formalin ang isdang aangkatin mula sa China na makasasama naman sa kalusugan.