Inanunsyo ng Department of Transportation na layunin nitong makumpleto ang konstruksyon ng north triangle common station—kilala rin bilang Unified Grand Central Station—kasabay ng pagtatapos ng metro rail transit line seven sa unang bahagi ng 2027.
Ang naturang proyekto ay magsisilbing pangunahing hub na mag-uugnay sa LRT-1, MRT-3, MRT-7, at ang darating na Metro Manila Subway, na matatagpuan sa bahagi ng Edsa at North Avenue sa Quezon City.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, ang hakbang na ito ay bahagi ng mga susunod na aksyon upang muling buhayin ang proyekto at matiyak ang mabilis na pagtatapos nito.
Ang MRT-7, na may habang 22 kilometro, ay inaasahang magsisimula ng partial operation sa huling bahagi ng 2025.
Ang buong linya ay inaasahang magiging operational sa 2027 o 2028, na magpapababa sa oras ng biyahe mula Quezon City hanggang San Jose Del Monte, Bulacan, mula tatlong oras ay magiging mahigit trenta minutos na lamang.