Sinupalpal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang New People’s Army (NPA) dahil sa paglabag sa umiiral na holiday ceasefire na nagsimula kahapon.
Magugunitang inatake ng NPA ang militar sa Surigao del Sur kahapon o ilang oras matapos opisyal na ideklara ang tigil putukan.
Sinalakay ng mga rebelde sa ilalim ng pamumuno ng isang Brando Juagpao alyas Rodel ang tropa ng army na naka-base sa barangay Bitaugan, sa bayan ng San Miguel.
Ayon sa AFP, hindi katanggap-tanggap ang naturang insidente na patunay na hindi nirerespeto at sineseryoso ng Communist Party of the Philippines at NPA ang hangad na kapayapaan ng Filipino ngayong Pasko.
Bukod sa Surigao del Sur, inatake rin ng mga rebelde ang mga sundalong maghahatid sana ng relief goods sa mga biktima ng bagyong Nona sa Northern Samar noong Martes.
By Drew Nacino