Walo ang patay, kabilang ang isang sanggol, sa karambola ng dump truck, motorsiklo at multi-purpose vehicle sa Nasugbu, Batangas, kahapon.
Kinilala ang mga nasawing sina Hipolito Sangalang, residente ng barangay Sta. Ana, Calatagan, Batangas at driver ng kulay titanium gray na Mitsubishi Xpander GLX na may plakang NVF-5726;
Mga sakay niyang sina Amado Santos; Evelyn Santos; Jerson Santos; Jayvee Santos; Catherine Ampo at apat na buwang gulang na si Candy Santos maging ang driver ng Yamaha Aerox motorcycle na si Eduard Ferrer, residente ng barangay Balibago, Sta. Rosa, Laguna.
Sugatan naman ang driver ng Shacman truck na si Ben Bryan Constantino, residente ng bagong Barrio, Caloocan City; mga pahinanteng sina Jr. Aranzado at Faustino Cuenco, kapwa residente ng San Ildefonso, Bulacan.
Ayon sa Police Regional Office-4A, patungo sanang Nasugbu mula Mexico, Pampanga ang truck na pag-aari ng WEA Worldwide Ventures na may plakang NGU-2433, na kargado ng buhangin nang maganap ang trahedya, pasado ala-6 ng umaga.
Binabagtas nina Constantino ang national highway sa Sitio Lodlod, barangay Aga nang mag-overtake sa isang sasakyan pero nawalan umano ng kontrol sa preno ang driver at inararo nito ang isang fruit stand at kasalubong na MPV at motorsiklo.
Pawang natabunan ng buhangin ang pitong sakay ng Mitsubishi Xpander na kapwa agad binawian ng buhay.
Iniimbestigahan na ng awtoridad ang nasabing aksidente.