Maaari nang ma-access ng publiko ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng pamahalaan, bilang bahagi ng pagpapalakas ng transparency at pananagutan sa serbisyo publiko.
Ayon sa Ombudsman, ang desisyong ito ay nakabatay sa isang malinaw na prinsipyo na may karapatan ang publiko na malaman kung paano kumikita at pinamamahalaan ng mga nasa gobyerno ang kanilang yaman.
Pinakamabisang paraan aniya ito para maibalik ang kumpiyansa ng publiko sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagbukas at pag-access sa impormasyon.
Hinimok din ng Ombudsman ang lahat ng ahensyang may hawak ng opisyal na kopya ng SALN — kabilang ang Civil Service Commission (CSC), Office of the President, Kongreso, Hudikatura, at mga lokal na pamahalaan — na iisa ang maging patakaran sa pagbubukas ng SALN records alinsunod sa ipinatutupad na panuntunan.
Binigyang-diin ng Ombudsman na hindi ito usaping pampulitika, kundi usapin ng pananagutan. —ulat mula kay Jenn Patrolla (Patrol 38)




