Nagpositibo sa COVID-19 ang 34 mula sa halos 3,000 indibidwal na isinalang sa COVID-19 test sa ikalawang mass testing sa Kamara.
Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza ang naitalang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Kamara ay katumbas ng positivity rate na 1.19% na mas mababa sa 5% positivity rate sa unang mass testing.
Sinabi pa ni Mendoza, na halos lahat ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Kamara ay asymptomatic at naka-isolate na habang isinasagawa na ang pagtukoy sa close contacts ng mga ito.
Gumaling na aniya lahat ang halos 100 empleyado sa Mababang Kapulungan na una nang nagpositibo sa COVID-19 sa unang bugso ng mass testing.
Binigyang diin ni Mendoza, ang epektibong pagpapatupad ng COVID-19 management program ng Kamara kayat bumaba ang kaso ng virus dito.