Pagsusuotin na ng body cameras ang lahat ng traffic enforcers ng Manila Traffic and Parking Bureau bilang bahagi ng polisiyang “Bawal ang kotong” sa Maynila ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Nasa isandaang body cameras ang personal na natanggap ng lungsod mula sa Canton Chamber of Commerce na maaari pang madagdagan hanggang sa mabigyan ang lahat ng waluhang traffic enforcers ng MTPB.
Ayon kay Mayor Isko, tatagal ng labinglimang oras ang baterya ng gagamiting camera na sobra pa sa walong oras nilang pagtatrabaho at mamomonitor din kung sadya itong papatayin ng enforcer.
Layon nitong maiwasan ang pakikipagtalo at pangongotong ng mga enforcer sa mga motoristang lumalabag sa batas trapiko.
Matatandaang una nang pinaalalahanan ng alkalde ang mga traffic enforcer sa mahigpit na pagpapatupad ng one-strike policy kung saan tatanggalin agad sa serbisyo ang sinumang mahuhuling tiwaling tauhan ng MTPB.
—Sa panulat ni Mark Terrence Molave