Halos sabay na lalabas ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang bagyong Maring at Lannie mamayang gabi o bukas ng madaling araw.
Huling namataan ang bagyong Maring sa layong 250 kilometro kanluran ng Iba, Zambales at nasa bahagi na ng West Philippine Sea.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 75 km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa km/h.
Gumagalaw ang bagyo sa direksyong West Northwest sa bilis na 15 km/h.
Samantala, ang bagyong Lannie naman ay namataan sa layong 610 km Northeast ng Basco, Batanes na may lakas ng hanging aabot sa 125 km/h at pagbugsong nasa 155 km/h. Gumagalaw ito sa direksyong West Northwest sa bilis na 22 km/h.
Sa ngayon ay tinanggal na ng PAGASA ang lahat ng tropical cyclone warning signal sa mga apektadong lugar sa bansa.
Asahan pa rin ang mga pag-ulan sa MIMAROPA, Zambales, Bataan at Batangas habang makararanas pa rin ng manaka-nakang thunderstorms at lakas ng hangin ang bahagi ng Metro Manila.
Pinag-iingat pa rin ng PAGASA ang mga manlalayag sa malaking bahagi ng Luzon.
Flooded areas
Nagsimula nang humupa ang baha kasabay ng inaasahang paglabas sa Philippine Area of Responsibility ng bagyong Maring mamayang gabi.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad, anim na insidente ng pagbaha ang naitala sa NCR at sa MIMAROPA.
Sinabi ni Jalad na kasalukuyan pa nilang mino-monitor ang epekto ng bagyong Maring.
Umaasa rin si Jalad na ganito ang gagawin ng lokal na pamahalaan na naapektuhan ng bagyo para matukoy aniya ang pangangailangan ng mga nasalanta.
AR / DWIZ 882 / Ralph Obina