Muling sinupalpal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sinibak na si Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog sa gitna ng pagkakasangkot umano nito sa illegal drugs trade.
Sa kanyang talumpati sa Tarlac city kahapon, tila nakalimutan pa ni Pangulong Duterte ang apelyido ng alkalde na matagal na umanong nagtatago sa ibang bansa sa takot na mapatay.
Ibinabala pa ni Pangulong Duterte na maaaring sapitin din ni Mabilog ang kinahantungan nina Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa at Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog.
“Karamihan talaga ng namatay dyan talagang mahihirap, eh bakit yung mga mayayaman hindi, meron din, meron ding mga mayor namatay, as a matter of fact dalawa na yung isa hindi na umuwi, si Magtibay I’ve been looking for him, hindi na siya umuwi kasi papatayin ko talaga siya, you know if you are the mayor kagaya ni Parojinog.”
Pinayuhan naman ng punong ehekutibo ang pulisya at militar na huwag matakot sa kanilang pagsasagawa ng anti-illegal drugs operation.
“Then you make your public office a platform for your drug distribution and you kill government people, yayariin talaga kita, so with Espinosa, at sabi ko sa army pati na sa pulis huwag kayong matakot magtrabaho, total ako na rin lang yung tinuturo ng human rights”.