Iginiit ni Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. na ang Saligang Batas pa rin ang pinaka-maaasahang batayan at kaibigan ng hukuman sa pagtukoy ng voting threshold para sa conviction sa impeachment trial.
Kasunod ito ng nais ng Senate Impeachment Court na imbitahan sa paglilitis ang apat na retiradong mahistrado bilang amici curiae upang magbigay-linaw sa usapin ng kinakailangang boto para sa conviction.
Bilang abogado at vice chairperson ng House Committee on Justice, sinabi ni Garbin, na bagamat mahalagang marinig ang pananaw ng mga amici curiae, higit na dapat manaig ang malinaw na probisyon ng Konstitusyon.
Batay sa Article 11, Section 3 ng Saligang Batas, kailangan ang two-thirds requirement ng lahat ng miyembro ng Senado para ma-convict ang isang pinai-impeach na opisyal.
Dahil 24 ang miyembro ng Senado, sinabi ni Garbin na 16 na boto ang kailangan para sa conviction at hindi kailangan ng calculator, legal doctrine, o kahit opinyon ng ibang tao.
Aniya, kung nais baguhin ang two-thirds requirement, dapat amyendahan muna ang Konstitusyon sa prosesong itinakda nito at hindi dapat baguhin sa pamamagitan lamang ng isang ruling. | via Geli Mendez (Patrol 30)

