Malalim na ang lamat na iniwan sa business sector ng katiwalian sa pamahalaan, partikular sa maanomalyang flood control projects.
Ganito inilarawan ni Employers Confederation of the Philippines o ECOP President Sergio Ortiz-Luis Jr. ang sitwasyon matapos mabunyag ang nasabing kontrobersya.
Naniniwala si Ortiz-Luis na dapat nang paspasan ng pamahalaan ang kilos nito upang mapanagot ang mga nasa likod ng paglulustay sa kaban ng bayan at maibalik ang tiwala ng mga namumuhunan sa sistema ng kalakalan sa bansa.
Aminado si Ortiz-Luis na naiintindihan nila ang pananaw ng ilang investor, lokal man o banyaga, lalo’t hindi maiiwasang ikumpara si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na pinatalsik sa pamamagitan ng People Power Revolution dahil din sa korapsyon at pag-abuso sa kapangyarihan.
Samantala, pabor naman si Ortiz-Luis sa panawagan ng taumbayan na ipakulong sa lalong madaling panahon ang mga sangkot at ibalik ang pera ng taumbayan.




