Nanawagan ang isang telco ng mas maigting na public vigilance laban sa SMS scams bilang dagdag proteksiyon at tulong sa mga hakbang para pigilan ang krimen na ito.
Ito’y dahil tila virus ang mga scam na nagkakaroon ng ibang “variants” para lusutan ang mga countermeasure tulad ng SMS blocking na ipinatutupad ng mga mobile network, ayon kay Anton Bonifacio, Chief Information Security Officer ng Globe.
Ayon kay Bonifacio, mayroong mga filter ang mobile phones na puwedeng gamitin para ma-block ang mga mensahe galing sa mga manloloko. May video na inihanda ang telco para matulungan ang mga gumagamit ng Android phones na paganahin ang feature na ito.
Ang mga spam at scam messages ay kadalasang naglalaman ng mga links na kunwari ay magbibigay ng trabaho o pera sa mga nangangailangan pero ang tunay na layon ay makapanloko.
“Nagsusumikap ang mga telcos sa abot ng aming makakaya na harangan ang mga mensahe ng spam at scam pero isa lamang ito sa maraming hakbang na kailangang gawin. Parang virus ang mga online scam kaya kailangan din nating mag-‘double mask’ laban dito: ang network blocking at public awareness. Mayroong mga spam filter ang mga mobile device na pwedeng gamitin,” pahayag ni Bonifacio.
“Hangga’t kumikita ang mga kriminal sa panloloko, hindi nila ito titigilan. Sinusubukan nilang i-bypass ang aming mga spam blocking filter sa pamamagitan ng pagpapalit ng spelling ng mga salita at paggamit ng iba’t ibang character para hindi sila ma-flag. Para itong game of cat and mouse,” ani Bonifacio.
Binigyang-diin niya na mas malaki ang posibilidad na malabanan ang ganitong masasamang tangka kung magtutulungan ang mga telco at mga customer. Sa ganitong paraan, hindi lamang mapoprotektahan ng mga tao ang kanilang seguridad, magiging kabalikat din sila ng industriya sa pagsugpo sa laganap na scamming.
Madalas na naglalabas ng mga paalala ang Globe sa publiko gamit ang social media para matulungan ang mga customer na gamitin ang spam filter sa kanilang mga cellphone at ma-detect ang mga kahina-hinalang SMS.
Gayundin, mayroong Stop Spam portal ang kompanya kung saan maaaring i-report agad ang mga unwanted SMS.
“Kapag mas aware na ang mga tao at hindi na kumikita ang mga sindikato sa mga scam na ito, baka naman tumigil na sila,” ani Bonifacio.
Mula Enero hanggang Hunyo 15, 2022, hinarang ng telco ang mahigit 138 million spams at scam messages. Kasama na rito ang app-to-person at person-to-person messages na galing sa Pilipinas at ibang bansa pati na rin ang higit 9 milyong mga mensaheng ini-report ng mga bangko.
Na-deactivate din ng kompanya ang 12,877 na mobile numbers dahil sa spamming mula Enero hanggang Mayo ng kasalukuyang taon.
Mula 2014, pinalalakas na ng Globe ang kapabilidad nito na protektahan ang mga customer mula sa banta ng cybersecurity at kahina-hinalang mga text message.