Kinumpirma ng Philippine Embassy sa France ang pagkawala ng bust ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal sa pedestal nito sa Place Jose Rizal, Paris.
Ayon kay Paris-based journalist Richard Villanueva, unang natuklasan ng Filipino community sa lugar ang pagkawala ng bronze sculpture ilang araw matapos ang Louvre heist.
Maliban sa pagnanakaw sa monumento, naging biktima na rin ito ng iba’t ibang uri ng vandalism tulad ng paglalagay ng face mask, libro, at iba pang inappropriate items.
Ipinaliwanag naman ni Philippine Ambassador to France Eduardo Jose de Vega na nakipag-ugnayan na sa kanila ang Deputy Mayor ng Paris at tiniyak na iniimbestigahan ng city government ang naturang art theft.
Nabatid na isinapubliko ang bronze sculpture noong June 2022 sa plaza na ipinangalan kay Rizal.
Ito rin ang nag-iisang public monument sa Paris na inialay para sa Filipino figure.




