Mariing kinondena ng mga mambabatas sa huling pagdinig ng House Quad Committee ang pakikipagsabwatan umano ng ilang Pilipino sa mga criminal syndicate mula sa china upang makapasok sa bansa at dito gumawa ng krimen.
Ayon kay Quad Committee Co-Chair at House Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers ng Surigao Del Norte, tila binihag, isinaladlak sa dusa at ginahasa pa ng mga Tsino ang Pilipinas sa tulong na rin ng ilang Pinoy.
Ang imbestigasyon ay nakatuon sa koneksyon ng mga operasyon ng POGO sa human trafficking, drug smuggling, at mga extrajudicial killings sa kasagsagan ng madugong kampanya kontra-droga sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Inilarawan ni Barbers ang mga natuklasan ng komite bilang halos hindi kapani-paniwala, na aniya’y mistulang pinagsamang “mafia, hollywood at james bond movies.”
Bagama’t may isang malinaw na kuwento na nagpapakita ng organisadong krimen sa pagitan ng mga chinese at mga kasabwat na Pilipino.
Isinisi naman ng Kongresista ang paglawak ng operasyon ng pogo sa bisa ng Executive Order 13, na ipinalabas sa ilalim ng administrasyong Duterte at nagbigay-daan sa paglawak ng offshore gaming sa ngalan ng umano’y economic growth.
Isa sa mga tinukoy ay si dating Bamban Mayor Alice Guo, na umano’y nabunyag bilang si Guo Hua Ping, na isang hinihinalang Chinese national na nakapasok sa political system gamit ang pekeng dokumento.