Kumalas ang Pilipinas bilang signatory sa Rome Statute o ang kasunduan na lumilikha sa ICC o International Criminal Court.
Sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipinalabas ni Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, iginiit nito na nagkaroon ng kuntsabahan sa pagitan nina UN Special Rapporteur Agnes Callamard at UN High Commissioner on Human Rights Zeid Raad Al-Hussein.
Ito aniya ay para palabasing masama at wala siyang pusong tao gayundin ang pagkakaroon ng mga paglabag sa karapatang pantao dahil sa paglulunsad ng kampanya kontra iligal na droga.
Dagdag pa ng Pangulo, malisyo at malinaw na pag-atake sa kanyang pagkatao ang isasagawang preliminary examination ng ICC sa anti-illegal drug war ng bansa.
Kasunod nito, sinabi ni Panelo na hindi na maaaring ipagpatuloy ng ICC ang pag-iimbestiga sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Paliwanag ni Panelo, sa una pa lamang ay hindi na maaaring magpatupad ng kapangyarihan ang Rome Statute sa Pilipinas dahil hindi nailathala sa Official Gazette at ibang pahayagan sa Pilipinas ang buong nilalaman ng tratado.
Dagdag ni Panelo, pinagtibay din ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute ang kawalan ng hurisdiksyon ng ICC na magsagawa ng imbestigasyon sa bansa.
Gayunman, iginiit ni Panelo na hindi natatakot ang Pangulo sa imbestigasyon ng ICC kaya ito kumalas sa Rome Statute.
Aminado naman si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na hindi pa ligtas si Pangulong Rodrigo Duterte maging ang kanyang administrasyon sa preliminary examination hinggil sa war on drugs.
Ito, ayon kay Cayetano, ay kahit pa kumalas na ang Pilipinas sa International Criminal Court.
Hindi naman anya layunin ng pag-atras ng Pilipinas bilang signatory sa Rome Statute na lumikha sa ICC na harangin o takasan ang imbestigasyon kaugnay sa umano’y human rights violations ng administrasyon.
Naniniwala si Cayetano na ginawa ng Pangulo ang nasabing hakbang para protektahan ang mga Filipino.
Samantala, ibinabala naman ni dating Ateneo School of Government Dean, Atty. Antonio La Viña ang posibleng maging epekto ng pagkalas ng Pilipinas sa International Criminal Court.
Ayon kay La Viña, isang “disadvantage” sa mga Filipino sa ibayong dagat kung hindi mag-mi-miyembro ang Pilipinas sa ICC at kung nakagawa ng war crime laban sa mga Pinoy ay walang habol ang bansa dahil hindi member ang bansa ng nasabing korte.
Ipinunto ni La Viña na mahalaga ang pagiging member ng ICC at wala naman talagang bigat kahit sino ang Pangulong kasuhan ng crime against humanity dahil ang tunay na apektado ay karapatan ng mga mamamayan.
Maaari pa aniyang magpatuloy ang kaso laban kay Pangulong Rodrigo Duterte kahit kumalas na ang Pilipinas sa ICC.
By Drew Nacino