Hinikayat ni dating Albay 2nd District Rep. Joey Salceda si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag munang lagdaan ang Konektadong Pinoy Bill at ibalik ito sa Kongreso.
Ito, ayon kay Salceda, ay upang muling mapag-aralan at ayusin ang ilang probisyon na maaaring magdulot ng problema sa implementasyon ng batas.
Sa isang pahayag, iginiit ni Salceda na bagama’t maganda ang layunin ng panukala na palawakin ang access ng mga Pilipino sa internet, may mga teknikal at substansyal na isyung hindi umano nabigyan ng sapat na atensyon sa kasalukuyang bersyon nito.
“The objective of expanding internet access is well-intentioned. But the current form of the bill introduces structural risks to infrastructure policy, regulatory balance, public accountability, and even national emergency readiness. It may also accelerate the decline of our landline system, which remains essential in times of disaster,” wika ni Salceda.
Aniya, kailangan pang dumaan sa masusing pagsusuri at deliberasyon ang panukala bago ito gawing ganap na batas.
“This bill can still be crafted to promote digital inclusion while protecting long-term infrastructure resilience, service equity, and public accountability. We respectfully urge the President to return the measure to Congress for improvement,” sabi niya.
Binanggit din ni Salceda ang kahalagahan ng pagkakaroon ng iisang direksyon sa mga inisyatibo ng pamahalaan kaugnay ng digital connectivity upang matiyak ang pagiging epektibo at pangmatagalang benepisyo nito sa publiko.
Sinasabing kasama sa kanyang mga mungkahi para sa isang mas matibay na legislative framework ang pagbibigay ng malinaw na legal at teknikal na definition sa mga data-only providers na dapat ay hindi saklaw ng anumang serbisyong may kinalaman sa voice communication kabilang na ang emergency services.
Nabatid na inilatag ni Salceda ang pagtatakda ng minimum infrastructure investment obligations para sa lahat ng providers, franchise holder man o hindi, at pagkakaroon ng patas na coverage requirements sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs) upang hindi mapag-iwanan ang mga liblib na komunidad.
Iginiit din ng dating mambabatas ang pagkakaroon ng public float o stock listing requirement para sa mga providers na lumalagpas sa itinakdang revenue o bilang ng subscribers bilang hakbang para sa transparency at accountability.
Maliban dito, dapat din aniyang protektahan ang legacy landline infrastructure at panatilihin ito hangga’t hindi pa ganap na maaasahan ang mga alternatibong teknolohiya sa buong bansa.
Napag-alaman na ang Konektadong Pinoy Bill ay naglalayong palakasin ang mga programang nagbibigay ng libreng internet access sa mga pampublikong lugar at paaralan.
Subalit iginiit ni Salceda na kailangan itong mapag-aralan muli upang masigurong magiging makabuluhan, maayos, at epektibo ang implementasyon nito kapag naisabatas na.
Matatandaang nagpahayag ng pagtutol sa panukala ang Citizen Watch Philippines at anim na technology-based groups, kabilang na rito ang Global AI Council Philippines, Blockchain Council of the Philippines, Cybersecurity Council of the Philippines, Data Center Association of the Philippines, Fintech Philippines Association, at Go Digital Philippines.