Kanya-kanyang interpretasyon na ang lumabas matapos ihalintulad ni Lt. Gen. Antonio Parlade ang istorya sa bibliya ni Eba at ng mansanas sa organizer ng Maginhawa Community Pantry.
Binigyang diin ito sa DWIZ ni Parlade matapos linawin na hindi niya ikinukumpara kay “Satanas” si Anna Patricia Non.
Nagugulat na lamang aniya siya sa mga lumulutang na iba’t iba’t interpretasyon sa nasabing pahayag niya.
Hindi [totoo ‘yan], mali, interpretation nila ‘yan. Ako, nagsa-cite lang ako ng example. Sabi ko, let’s not belittle an act of one, of one person, I’m not saying si Ana Patricia ito. I’m just saying na ‘yung mga ganyang bagay sa pandemya, nagsisimula lang sa isang maliit na maliit na bagay. I cited nga si Eve atsaka ‘yung mansanas, dun lang nagsimula ‘yon, e, of course, bibigyan nila ng magandang twist ‘yan para maging controversial, para alam mo na, d’yan sila magaling,” ani Parlade.
Inihalimbawa ni Parlade ang naging takbo nang dagsa ng kanyang media interviews nitong nakalipas na mga araw na nagmula sa umano’y pag-amin niyang isinasailalim nila sa profiling ang mga organizer ng community pantries sa bansa dahil sa posibleng paggamit dito ng New People’s Army (NPA).
Tinawagan pa aniya siya mismo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana para kumpirmahin kung talagang binanggit niya ang pagpo-profiling sa mga organizers ng community pantries.
In fact, may statement ako sa Twitter at Facebook, pinakalat ko ‘yan. Kasi ‘yung Inquirer, ‘yan magaling ‘yan mag-twist, I’m sorry sa mga kasama natin sa media, but alam mo, minsan para lang bumenta, kung anu-anong words ang iniimbento nila para maging controversial,” ani Parlade. —sa panayam ng IZ sa Alas Sais