Dapat na agarang aksyunan ng Department of Budget and Management (DBM) ang papaubos ng Quick Response Funds para sa CALABARZON at Bicol Region na kapwa matinding hinagupit ng Bagyong Rolly.
Ito ang naging panawagan ni Senator Kiko Pangilinan sa DBM kasunod ng isinumiteng Situational Report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Nakasaad sa report na ubos na ang standby funds ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa nabanggit na dalawang rehiyon na labis na sinalanta ng bagyong Rolly.
Umaasa si Pangilinan na agad kikilos ang DBM dahil maraming pamilya, lalo na sa Bicol, ang walang-wala na at gobyerno na lang ang tanging inaasahan at matatakbuhan nila.
Diin ni Pangilinan, isang paraan para makabangon agad sa kalamidad ay agarang pag-release ng pondo.
Nanawagan din si Pangilinan sa publiko na mag-donate at magbigay ng kahit na anong tulong para sa mga biktima ng kalamidad. — ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)