Pinabulaanan ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang kumakalat na text message hinggil sa taglay na lakas ng posibleng Super Typhoon Mangkhut na magiging Bagyong Ompong kapag pumasok na sa bansa bukas.
Sinabi ng pagasa na isang hoax o hindi totoo ang text message na ang Typhoon Mangkhut ay magtataglay ng 240 kilometers per hour at may bugsong 306 kilometers per hour.
Ayon sa PAGASA, hindi pa nila batid kung gaano kalakas ang nasabing bagyo.
Ipinabatid ng PAGASA na kapag nasa loob na ng Philippine Area of Responsibility (PAR), uubra pang lumakas ang Bagyong Ompong habang nasa karagatan subalit kailangan nitong magkaruon ng pinakamalakas na hanging umaabot sa mahigit 220 kilometers per hour para maging ‘super typhoon’.
Sa Huwebes naman, inaasahan ang maulang panahon sa buong Luzon habang ang western sections ng Visayas at Mindanao ay maaapektuhan nang pinalakas na habagat.