Pansamantala munang ipinatigil ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa Davao ang lahat ng mining activities sa Pantukan at Monkayo sa probinsiya ng Davao de Oro.
Dahil ito sa patuloy na pag-ulang nararanasan dahil sa trough ng Low Pressure Area o LPA.
Batay sa abiso ng Geohazard MGB Davao, pinaalalahanan nito ang mga small scale miners na manatili muna sa ligtas na lugar dahil sa posibilidad na landslide.
Inirekomenda naman nito sa mga residente sa Purok Ecoland, Sitio Diat, Barangay Napnapan, Pantukan at Purok 15, 16 at 17 sa Barangay Diwata, Monkayo na magsagawa ng pre-emptive evacuation dahil sa posibilidad ng pagguho ng lupa.
Sa ngayon, patuloy ang pagmonitor ng lahat ng Local Government Units at Local Disaster Risk Reduction and Management Councils sa kalagayan ng panahon sa lugar.