Kinakitaan ng magandang pagbabago ang serbisyong ibinibigay ngayon ng telecommunication companies mula nang magbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ipasasara ang mga ito kung hindi aayusin ang kanilang serbisyo.
Ayon kay National Telecommunications Commission (NTC) Chief Gamaliel Cordoba, gumanda na ang serbisyo ng mga telco sa Pilipinas batay na rin sa third-party audit ng Ookla Speedtest Global Index at sa 100 milyong test na isinagawa nito.
Batay sa pinakahuling tala, nitong Nobyembre ay nasa 28.69 mbps na ang bilis ng internet connection sa bansa mula sa dating 25.07 mbps noong hulyo.
18.49 mbps naman ang mobile download speed nitong Nobyembre mula sa 16.85 noong Hulyo.
Kaugnay nito, sinabi ni Cordoba na asahan pang mas gaganda ang serbisyo ng mga telcos sa first quarter ng 2021 dahil sa inaasahang pagpasok ng ikatlong telco player sa merkado.