“May espesyal na lugar sa impiyerno ang mga opisyal na sangkot sa katiwalian sa flood control projects”
Ito ang iginiit mismo ni Deputy Majority Floor Leader JV Ejercito matapos ang ibinulgar ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na may labinlimang kontratista ang lumitaw na naka-kopo ng halos dalawampung porsyento ng kabuuang budget ng gobyerno para sa flood control projects.
Ayon kay Senator Ejercito, bagama’t inaasahan na kikita ang mga kontratista mula sa flood control projects, pero may ilan anyang nagagawa pa ring lokohin ang publiko.
Bukod sa substandards ang ginagamit na materyales, nakakalungkot din anya na may mga ghost project pa rin, bagay na tinawag ng senador na “sobrang panlolo.”
Giit pa ni Senator Ejercito, pang “impiyerno level” na ang ganitong katiwalian; at tinawag niya rin itong “kademonyohan.”