Nasa full capacity na ang mga ospital sa lalawigan ng Oriental Mindoro dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Sa Oriental Mindoro Provincial Hospital, umabot sa 80 ang COVID-19 patients kung saan maging ang kanilang medical staff ay tinamaan rin ng virus kaya’t kulang na rin sila sa mga tauhan.
Gayundin ang MMG Hospital sa Calapan City kaya hindi na nito kayang tumanggap pa ng mga pasyenteng may COVID-19.
Maliban dito, kapos na rin ang mga ospital sa oxygen tank dahil nahihirapan din ang mga supplier sa pagpila sa pagpapa-refill ng mga tangke sa Metro Manila at Batangas.
Umapela naman ang MMG Hospital sa gobyerno na tumulong sa pagpapadala ng oxygen sa lalawigan.
Sa ngayon ay nasa 875 ang active COVID-19 cases sa Oriental Mindoro.—sa panulat ni Hya Ludivico