Dismayado si Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazarsa aktor na si Jake Cuenca matapos magmistulang teleserye ang ikinasang operasyon ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa Brgy. Barangka, Mandaluyong City.
Matatandaang bumangga ang sasakyan ni Cuenca sa police mobile na agad na hinarang ng mga pulis.
Sa halip na bumaba ng sasakyan ang aktor ay agad itong kumparipas papalayo dahilan para habulin naman ng mga pulis na umabot pa hanggang sa Shaw Boulevard sa Pasig City.
At dahil hindi parin huminto ang aktor ay dito na pinaputukan ng bala ng baril ang gulong ng sasakyan nito.
Ayon kay Eleazar, mananagot ang aktor sa kaniyang ginawang paglapastangan at pambabastos sa mga tauhan ng pnp maging sa batas at sa kawalan nito ng disiplina sa sarili.
Sa ngayon, inatasan na ni Eleazar si Eastern Police District (EPD) Director P/Bgen. Matthew Baccay, na isailalim sa restrictive custody ang mga sangkot na pulishabang ikinakasa ang imbestigasyon sa nangyaring insidente. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9), sa panulat ni Angelica Doctolero