Inanunsyo kamakailan ni Justice Secretary Boying Remulla na naghain na ng Freeze Order ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) para sa assets nila Ako Bicol Party-List Rep. Zaldy Co, Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva, former DPWH Engineer Henry Alcantara, dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, at dating Representative Mitch Cajayon.
Matatandaan na inakusahan si former House Committee on Appropriations Chairman Co na nag-propose ng bilyong halaga ng insertions sa 2025 National Budget ngunit itinanggi ito ng kongresista.
Kasunod naman nito ay ang utos ni DPWH Secretary Vince Dizon sa AMLC na ipa-freeze ang labing-isang in air assets na naka-register sa mga kumpanyang may kaugnayan si Cong. Zaldy Co na tinatayang aabot sa tumataginting na mahigit sa P4.7 billion.
Pero ang tanong, nasaan nga ba ngayon ang mga in air assets na ito ni Congressman? Sa isang panayam, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na nasa ibang bansa na umano ang ilan sa mga eroplano at chopper, at guess what? Sinusubukan na rin daw ibenta ang mga ito.
Isa pang katanungan, posible nga ba silang maibenta?
Kung titingnan, mukhang mahaba ang magiging proseso bago pa maibenta ang mga ito. Paliwanag nga ni Secretary, naka-register pa rin sa pilipinas ang mga nasabing assets kung kaya hindi pa ito maaaring ibenta sa ibang bansa.
Aniya, kailangan munang i-de-register ang mga ito sa Pilipinas bago ipa-rehistro sa ibang bansa. Pero paglilinaw niya, kinumpirma naman ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ni isa sa mga assets ay hindi pa dumadaan sa de-registration process.
Dagdag pa ni Secretary, ito rin ang mismong dahilan kung bakit isinapubliko nila ang kautusan na ipa-freeze ang mga nasabing assets, para hindi tuluyang maibenta ang mga ito kung sakali man na may magka-interes na bumili.
Samantala, siniguro naman ni Secretary Vince Dizon na nakikipagtulungan na rin sila sa mga kaukulang ahensya para alamin kung mayroon pang ibang pag-aari si Zaldy Co.